‘Puro kababalaghan na ang Probinsyano, pero hataw pa rin’
TAWA kami nang tawa sa mga komento ng aming mga kaibigan tungkol sa seryeng Ang Probinsyano. Kung anu-ano ang kanilang napapansin pero gabi-gabi pa rin naman nilang sinusubaybayan ang pinagbibidahang serye ni Coco Martin.
Sabi ni Liza, kaibigan namin sa kolehiyo, “Ano ba naman ‘yan? Presidente ka, sakit na nang sakit ang ulo mo, pero hindi ka pa rin nagpapa-check-up at ang misis mo ang pinagkakatiwalaan mong magpainom sa iyo ng gamot?
“At ano ba namang klaseng First Lady ‘yun, palaging nakabantay lang sa Office of The President? Wala man lang ba siyang livelihood program na inaasikaso?
“At ang nakakaloka pa, nu’ng ma-ICU ang presidente, e, nagpapahanap ang First Lady ng clone niya! Itatakas yata nila ang totoong pangulo at ‘yung kamukha ang ihaharap sa publiko! Nakakatanga!” tawa kami nang tawa sa komento ng aming kaibigan.
Nasisilip din namin ang serye, maraming kababalaghang nagaganap sa istorya, pero paano nga ba natin makukuwestiyon ang napakataas pa ring rating nito?
Nasa ikaapat na taon na ang serye, napakarami nang nagtangkang magpataob sa rating nito, pero walang nagtagumpay ni isa.
Sabi ng kaibigan naming propesor, “Mismo! Gamot na pampatanga na nga ang ipinaiinom sa pangulo, pero nanonood pa rin tayo!”
Ha! Ha! Ha! Ha!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.