Sinibak na sekyu nang-hostage ng 30 sa mall; 1 binaril, sugatan | Bandera

Sinibak na sekyu nang-hostage ng 30 sa mall; 1 binaril, sugatan

John Roson - March 02, 2020 - 03:18 PM

 

ISANG tao ang binaril at nasugatan, habang aabot sa 30 pa ang hostage ngayon ng isang dating security guard sa V-Mall ng Greenhills Shopping Center, San Juan City, ayon sa mga awtoridad.

Hawak ng dating guwardiya, na armado ng baril, ang 30 empleyado ng mall sa loob ng administration office, sabi ni City Mayor Francis Zamora.

Kinilala ng pulisya ang hostage-taker bilang si Archie Paray, 31, ng Safeguard Armor Security Corporation.

“Confirmed na ang dala niya (Paray) ay pistol. Sinisigaw niya na meron siyang granada, pero we have no way to confirm this,” sabi ni Zamora sa mga reporter sa labas ng mall.

“‘Di siguro namonitor ng mga guwardiya na may dalang baril kaya nakapasok sa loob.”

May dala umanong apat na granada si Paray nang mang-hostage, ayon sa pulisya.

Ayon kay Zamora, kamakailan lang ay tinanggal si Paray sa trabaho sa shopping center.

Napag-alamang pumasok sa mall ang dating guwardya dakong alas-10 ng umaga at iginiit ang “hindi pantay-pantay na pagtrato” ng pamunuan sa mga empleyado.

Hinikayat ni Paray ang ibang guwardiya na siya’y samahan, pero walang tumalima, ayon kay Zamora.

Umalingawngaw ang mga putok ng baril bago mag-tanghali, kaya isinailalim sa lockdown ng mga guwardiya at pulis ang mall.

“Pagpasok niya (Paray) sa mall, mayroon na siyang binaril na empleyado sa shopping center. That’s how we know that he is armed,” ani Zamora.

Nakilala ang sugatang empleyado bilang si Ronald Velita, officer-in-charge ng mga guwardiya ng shopping center.

Dinala siya kalapit na Cardinal Santos Medical Center para malunasan, at stable na ang kanyang kondisyon, ayon kay Zamora.

Habang isinusulat ang istoryang ito, isang pulis ang nakikipag-negosasyon sa dating guwardiya para ligtas na palayain ng huli ang mga hostage.

Naghayag na ang hostage-taker ng ilang kahilangan, kabilang ang pagkain at tubig, pakikipag-“video call” sa mga kapwa guwardiya, at pagkakataong humarap sa media.

Ayon kay Zamora, lumalabas na “masama ang loob” ng dating guwardiya dahil sa pagkakatanggal nito sa trabaho.

Inaalam pa ang kung bakit sinibak sa trabaho ang dating guwardiya, pero lumabas sa inisyal na impormasyon na ito’y nag-AWOL.

“AWOL siya, or absent without leave, ilang linggo na daw ring hindi pumapasok,” ani Zamora.

Kaugnay sitwasyon, pinakilos na ng pamahalaang panglungsod ang incident command system nito.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Hiniling naman ni Zamora sa mga tao na iwasan munang pumunta sa Greenhills Shopping Center, para mamili o di kaya’y para maki-usyoso sa hostage situation.

“We are exerting efforts para matapos itong problemang ito nang tahimik at wala nang ibang masasaktan,” aniya.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending