Bus, jeep nag-gitgitan: 1 patay, 23 sugatan | Bandera

Bus, jeep nag-gitgitan: 1 patay, 23 sugatan

John Roson - February 24, 2020 - 01:56 PM

ISANG babae ang nasawi at 23 pa katao ang nasugatan nang maaksidente ang isang pampasaherong bus at jeepney sa Camalig, Albay, Linggo ng hapon.

Dinala pa sa ospital ang pasahero ng jeepney na si Lea Paliangayan, 49, isang gurong taga-Guinobatan, ngunit di na umabot nang buhay, ayon sa Camalig Police.

Kabilang naman sa mga sugatan ang jeepney driver na si Jeason Nual at ang 13 iba pa niyang pasahero. Dinala sila sa Bicol Regional Teaching and Training Hospital.

Sa mga naturang pasahero, lima lang na may mga edad 13 hanggang 49, ang nakilala dahil agad umalis ng ospital ang iba matapos malunasan, sabi ni Maj. Dante Rosal, hepe ng Camalig Police, sa kanyang ulat.

Sugatan din sina Ranulfo Decano, driver ng Raymond bus (NCI-3878) na sangkot sa insidente, at walo niyang sakay na kinabibilangan ng co-driver na si Dexter Sotto at kundoktor na si Ramil Ragay.

Huling nasagip ang pasahero ng bus na si Agrepina Alpapara, isang 59-anyos na ginang mula Marikina City, dahil naipit nang tumagilid ang bus, ayon kay Rosal.

Naganap ang insidente pasado alas-5, sa bahagi ng Maharlika Highway na sakop ng Purok 2, Sitio Bascaran, Brgy. Libod.

Minamaneho ni Nual ang jeepney (EVR-974) mula Guinobatan patungong Camalig proper, nang ang kaliwang bahagi nito’y mahagip ng kasalubong na bus, ani Rosal.

Dahil sa impact ay naitulak ang jeepney sa road shoulder. Nagtuloy din ang bus sa shoulder, kung saan nito nasalpok ang isang poste ng telepono at puno ng niyog bago tumagilid pakaliwa.

Agad nagtungo sa pinangyarihan ang mga pulis, bumbero, at tauhan ng Red Cross at local rescue teams nang malaman ang insidente.

Nahugot si Alpapara nang iangat ang tumagilid na bus sa tulong ng mga kagamitan sa isang firetruck.

Di inabutan doon ng mga awtoridad si Decano, pero di naglao’y sumuko siya sa lokal na istasyon ng pulisya.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Sinabi niya sa mga imbestigador na sinubukan niyang unahan ang isa pang sasakyan habang nagmamaaneho patungong Guinobatan, sa pamamagitan ng paglipat sa kabilang lane, ani Rosal.

Nasa kostudiya ng pulisya si Decano para sa karagdagang imbestigasyon at posibleng pagssampa ng kaso.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending