PITONG pulis sa Metro Manila na ang nag-positibo sa paggamit ng iligal na droga mula noong huling bahagi ng 2019 hanggang ngayong buwan.
Sa pito, isa ay opisyal at anim ay non-commissioned officer na kinabibilangan ng isang pulis na kasama sa 357 alagad ng batas na nasa drug watchlist ng pamahalaan, sabi ni National Capital Region Police Office director Maj. Gen. Debold Siñas.
Pinakahuli sa mga nagpositibo ang opisyal na si Lt. Rodel Sandoval, nakatalaga sa Muntinlupa City nang ma-drug test noong Pebrero 19, sabi ni Siñas sa isang pulong-balitaan.
“Since siya ay nahuli, nadisarm na po siya, narecall na yung baril… he will undergo precharge proceeding and summary hearing proceeding with the Regional IAS (Internal Affairs Service),” anang NCRPO chief.
Kinilala naman ni Siñas ang isa sa mga nagpositibong non-commissioned officer bilang si SSgt. Ronald Carpio.
“Nag-positive siya (Carpio) sa use of shabu, kasama sa watchlist ng suspected ninja or narco-cops,” anang NCRPO chief.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.