Pelikula ng KathDen kumita na ng P1.3B; Alden waging best actor
Nagbubunyi ang mga tagasuporta ni Alden Richards na nag-akalang mamamatay siya bilang si Sep sa seryeng The Gift. May nagbanta pang iboboykot nila ang GMA 7 kapag pinayagan ng network na mamatay ang bida nilang idolo.
Kasi naman, nu’ng nakaraang Huwebes nang gabi ay papunta sa pagsakabilang-buhay ni Sep ang mga ipinakitang eksena, punumpuno ng sorpresa ang pagtatapos ng The Gift.
Emosyon ng kaibigan naming si Liza, “Sis! Buhay si Sep! Nagkita lang silang mag-ama sa langit, pero pinabalik siya sa mundo ng father niya!
“Dyusko! Akala talaga namin, e, kokontrahin ng mga writers ng show ang kalakaran na hindi namamatay ang bida sa bandang huli! Ang galing-galing ni Alden sa mga huling eksena, aktor na aktor na talaga siya!” pasigaw na tawag ng aming kaibigan habang nanonood kami ng concert ng The OPM Hitmen sa Music Museum.
Ipinate-tape namin ang serye kapag hindi namin ‘yun napapanood sa takdang oras. At tama ang aming kaibigan, napakahusay nga ni Alden sa mga eksenang kasama niya sina Jean Garcia at Jo Berry.
At marami pang dagdag na dahilan kung bakit nagbubunyi ngayon ang mga tagahanga ng Pambansang Bae. Sa darating na pagbibigay ng parangal ng GEMS ay tinanghal na Best Actor ang kanilang idolo para sa pinagbidahan niyang serye.
Sa awards night naman ng Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation ay Best Actor pa rin siya, pero ang pinakamatindi, nakopo nila ni Kathryn Bernardo ang trono bilang Phenomenal Stars Of Philippine Cinema sa pamamagitan ng napakamatagumpay na “Hello, Love, Goodbye.”
‘Yun ang pinakamataas na parangal. Ang pelikula nila ni Kathryn ay kumikita na nang P1.3 billion ngayon at ipinalalabas pa rin ang “Hello, Love, Goodbye” sa iba-ibang bansa.
Napakasuwerteng aktor ng kanyang panahon. Kakampi talaga ni Alden Richards ang kapalaran. Talagang pinagpapala ang mga taong mapuso at hindi pinagbabago ng kasikatan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.