Sharon tinalakan: Puri ka nang puri sa 2 anak mo pero sinasaktan mo si KC!
TANONG ng isang kausap naming female personality, “Ine-enjoy ba ni Sharon (Cuneta) ang ganyan na kaliwa’t kanan siyang bina-bash? Carry ba niya ang ganyan na inuupakan siya sa social media? Hindi ba siya naba-bother man lang?
Ilang araw na kasing pinakakain ng ampalaya at pinaiinom ng apdo ng kanyang mga bashers ang Megastar dahil sa mga ipino-post niya.
Parang kahit nga hindi na niya mga bashers ay hindi rin sumasang-ayon sa mga patagilid niyang pagpapasaring sa kanyang panganay na si KC.
Wala man siyang pinariringgan sa kanyang mga posts ay ganu’n pa rin ang pakiramdam ng mas nakararami, sinasaktan niya nang malayuan ang kanyang panganay, hindi ‘yun nagugustuhan ng mga kababayan natin.
Natural, nakakatikim ng mga salitang hindi niya gusto at inaasahan si Sharon, sumasagot din siya, ano raw ba naman ang akala ng mga nagbibigay ng reaksiyon sa kanyang mga posts, mababaw lang ang dahilan ng gap nilang mag-ina?
Ang sagot sa kanya ng basher, “Ayun! Di sa iyo na rin nanggaling na malalim pala ang problema n’yong mag-ina? Ikaw, nanay ka, ikaw ang dapat mag-reach-out sa anak mo!
“Hindi matatapos ang gap ninyo kung ganyan na puri ka nang puri sa anak mong sina Miel at Frankie, lalo mo lang sinasaktan si KC! Bakit hindi na lang kayo mag-usap?” sabi ng basher.
Kailan lang ay nagsama ang mag-amang KC at Gabby Concepcion, kumain sila sa isang Japanese restaurant, pinasalamatan ng dalaga ang kanyang ama sa panahong inilaan para sa kanya.
‘Yun siguro ang dahilan kung bakit lalong nag-init si Sharon, hindi niya nagustuhan ang pagpapalitan ng masarap na komento ng kanyang mag-ama, kaya post siya nang post ng mga throwback pictures nila nina Frankie at Miel.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.