Martin maligaya na sa piling ng bagong GF; kahawig ni Pops
May bago nang pag-ibig si Martin Nievera. Sa selebrasyon ng kanyang kaarawan sa ASAP Natin ‘To nu’ng nakaraang Linggo nang tanghali ay bumati pa sa kanya si Angie.
Ang nakalagay sa chargen, “Martin’s girlfriend,” ipinokus din si Angie habang kinakantahan ng kanyang mga co-singers si Martin.
Isa lang ang nasabi ni Martin sa kanyang pagpapasalamat sa mga taong malapit sa kanyang puso na nakaalala sa kanyang kaarawan patungkol kay Angie, “The cat is out of the bag!”
Maganda si Angie, halos magkaedad lang din sila ni Pops Fernandez sa biglang tingin, parang kaedad lang din nila si Katrina Ojeda na pinakahuling nakahiwalay ng magaling na singer.
Libre namang makipagrelasyon si Martin, kailangan niya ring magkaroon ng inspirasyon sa buhay, hindi naman puwedeng kumanta lang siya nang kumanta habambuhay.
Magkaibigan pa rin sila ni Pops hanggang ngayon, nagkakaintindihan na sila sa galaw ng kani-kanyang buhay, ang mahalaga ay hindi nila pinababayaan ang dalawa nilang anak na mga musikero na rin.
Ibang-iba pa rin ang galing ni Martin, walang kakupas-kupas ang kanyang boses, kapag nagsimula na siyang kumanta ay hawak na niya ang mga mata ng manonood.
Una naming hinangaan si Martin Nievera nu’ng kababalik lang niya sa Pilipinas, “Holiday” ang unang kanta niyang pinalakpakan ng publiko, mula nu’n ay gumawa na ng kasaysayan sa mundo ng musika ang tinanghal na Entertainer Of The Year.
Marami nang nagdatingang baguhang singers, ang iba’y nagtatagal at ang iba nama’y nawawala rin agad, pero wala pa ring makakapantay ang nag-iisang Martin Nievera na kung kumanta ay parang wala nang bukas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.