ANIM na hinihinalang drug pusher ang napatay nang umano’y manlaban sa mga pulis na nagsagawa ng buy-bust operation sa magkakahiwalay na bahagi ng Luzon, Lunes ng gabi hanggang Martes ng madaling-araw.
Sa pinakahuling insidente, napatay si Khalid Kasan at naaresto ang kasabwat niyang si Lucky Cris San Pascual sa San Jose del Monte City, Bulacan, ayon sa provincial police.
Isinagawa ng lokal na pulisya ang operasyon sa Brgy. San Manuel, dakong alas-3:20.
Nakutuban umano nina Kasan at San Pascual na pulis ang ka-transaksyon, kaya nagpaputok ang una at ginantihan ng mga operatiba.
Nakuhaan ang mga suspek ng 22 sachets ng umano’y shabu at isang improvised 12-gauge shot gun. Kinumpiska rin sa kanila ang isang motorsiklo at Nissan Navara pick-up, ayon sa pulisya.
Una dito, napatay din sina Louie Mendoza at Richard de Guzman sa Padre Garcia, Batangas, ayon sa ulat ng Calabarzon regional police.
Isinagawa ng Padre Garcia Police, Provincial Drug Enforcement Unit, at Regional Mobile Force Battalion ang operasyon sa Brgy. Banaba, ala-1:15 ng madaling-araw.
Matapos ang transaksyon ay itinulak ng nina Mendoza at De Guzman ang mga pulis na nagpanggap na buyer ng shabu, bumunot ng mga baril, at nagpaputok, kaya gumanti ang iba pang operatibang nakamasid sa di kalayuan, ayon sa ulat.
Nakuhaan ang dalawa ng anim na sachet na may lamang kabuuang 250 gramo o P1.7 milyon halaga ng hinihinalang shabu, isang kalibre-.45 pistola, at kalibre-.38 revolver.
Narekober din sa kanila ang pekeng P350,000 na ginamit bilang buy-bust money.
Ilang oras bago ito, dakong alas-11:30 ng gabi, dalawa ring drug suspect ang napatay sa buy-bust sa Dasmarinas City, Cavite.
Nakilala lang ang mga napatay sa mga alyas na “Mcdo” at “Bong,” ayon sa Cavite provincial police.
Nakutuban umano ng dalawa na pulis ang binentahan ng halagang P700 shabu sa Summerwind Drive, Brgy. Burol-Main, kaya bumunot ng mga kalibre-.38 baril at nagpaputok.
Kasunod nito, dakong alas-12:34 ng madaling-araw, napatay si Crispin Vedaño, 33, nang paputukan din umano ng kalibre-.38 revolver ang mga pulis na nag-buy bust sa Bansud, Oriental Mindoro.
Nakuhaan siya ng pitong sachet ng hinihinalang shabu at sari-saring drug paraphernalia matapos ang operasyon sa Sitio Burol 2, Brgy. Sumagui, ayon sa ulat ng MIMAROPA regional police.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.