Panghahalay sa OFW, tulong pa ang mag-asawang employer
HINDI na bago ang mga balitang pinagsamantalahan at inabuso ang ating mga Pinay OFW sa Gitnang Silangan.
Ngayon, hindi na lang basta pang-aabuso kundi pinapatay na nila ang ating mga kababaihan tulad sa bansang Kuwait. Dalawang pagpatay na ang napaulat na parehong ginawa ng kanilang mga employer. Iyan lamang ang napaulat, marami pang nawala na lamang o hindi na malaman ng pamilya kung nasaan na ang kanilang kaanak.
Nagsagawa ng sariling imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pinakahuling biktima ng pagpatay na si Jeanelyn Villavende, nang iuwi ang bangkay nito sa Pilipinas. Limang buwan pa lamang itong nagtatrabaho sa Kuwait.
Ayon sa autopsy report, ginahasa at binugbog pa ng employer si Jeanelyn, kung kaya’t bumigay ang kanyang puso at baga dahil sa mga natamong injury sa vascular nervous system nito.
Kaya naman nakataas ngayon ang “partial ban” ng deployment para sa mga HSW o household service worker sa Kuwait. Kung Bantay OCW ang tatanungin, ipatupad na sana ng pamahalaan ang “total ban” para sa ating mga Pinay OFW sa Kuwait.
Wala talagang kalaban-laban ang ating mga kababaihan na kasambahay. Nasa loob mismo sila ng tahanan ng mga among ang pagtingin o pagtrato sa kanila ay mga kaaway.
Hindi kayang baguhin ng batas, kasunduan o mabigat na kaparusahan ang pang-aabuso at dati nang masamang pag-uugali ng dayuhang employer. Hindi na natin kontralado iyon.
May reklamo pa nga kaming natanggap noon, mga sampung taon na ang nakalilipas nang isang OFW mula sa Middle East ang nagsumbong na pinagtulungan siyang halayin ng mag-asawang amo.
Si Madame umano ang humahawak sa kanyang mga kamay at pinagsususuntok siya nito, habang hinahalay naman siya ni Sir. Dati-rati, kapag may ganitong mga pang-aabuso, ni hindi napapanagot ang mga employer.
Sapat na kasi sa ating kabayan na basta makauwi na lamang ng Pilipinas at hindi na umano sila magsasampa ng demanda o anumang reklamo laban sa employer.
Naniniwala kasi silang hindi rin mananalo ang kanilang kaso doon. Katuwiran nila noon, sa Middle East ay kapag nagahasa ang isang babae, kasalanan niya iyon.
Dahil hindi umano siya magagahasa kung hindi siya nagpunta sa kanilang bansa.
Kapag naaksidente at namatay, kasalanan pa rin nila iyon dahil hindi sila maaaksidente kung hindi sila pumunta sa kanilang bansa.
Naniniwala ang Bantay OCW na napakarami nating mga kababayan ang pilit ibinabaon na lang sa limot ang masakit na karanasang dinanas sa abroad. Isang masamang panaginip na lamang umano ang lahat dahil ipinagpapasalamat pa rin nilang nakauwi sila ng buhay.
Kaya bakit pa nagpapatuloy ang pag-papaalis ng ating mga kababaihan sa mga delikadong bansa tulad ng Kuwait?
No to Kuwait para sa ating mga Pinay OFW.
***
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.