Gwapong pamangkin ni Rico Yan papasukin na rin ang showbiz
“Grabe, pinagbiyak na bunga sina Rico Yan at Alfy Tueres.” Ito ang mensahe namin kay Noel Ferrer na kaibigan ng pamilya Yan.
Nakita kasi namin ang Facebook post ni Noel ng litrato ng bagets na may caption, “MEET ALFY. Alfonso Rafael Yan Tueres. New Kid On The Block. #TeamNOEL #NewYouthRoleModel #BaseballPlayer #GoodStudent #CommercialEndorsementsBringThemOn.”
Tinanong namin ang magiging manager ng pamangkin ng nasirang Rico Yan kung Inglisero rin ito at dapat matutong magsalita ng Tagalog para maabot din ang masa, “Inglisero pero nagta-Tagalog naman, grade 8 pa lang naman. Sasanayin ko. Dapat may puso sa masa, but the basics are there. Mabait sa magulang, may pagpapahalaga sa Diyos at pamilya. Good association and better grades,” sabi sa amin ni Noel.
Nakilala namin ang pamilya ni Rico noong nabubuhay pa ito at ang tanging may asawa pa lang sa kanila noon ay ang kanyang ate Geraldine Yan. At si Alfy na pala ang bunsong anak ni Geraldine na mahilig din sa sports.
Pero hindi muna papasukin ni Alfy ang pag-arte, pawang mga commercial muna ang aasikasuhin nito na tulad din ni Rico na nakilala naman sa commercial bilang Eskinol Boy hanggang sa kunin na nga ng ABS-CBN para sa youth oriented show na Gimik.
Sa Gimik unang nagkatrabaho sina Rico at Judy Ann Santos at dito rin nabuo ang loveteam nila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.