ISANG babae ang nasawi at 17 pa katao ang nasugatan nang mabundol ng pampasaherong bus ang isang jeepney sa Sorsogon City, Biyernes ng hapon.
Dead on arrival sa ospital si Judy Belmonte, 48, residente ng bayan ng Prieto Diaz, ayon sa ulat ng Sorsogon provincial police.
Kabilang naman sa mga sugatan ang jeepney driver na si Noel Mark Margelino, 24, at 16 pasahero niyang may mga edad 13 hanggang 55.
Naganap ang insidente sa bahagi ng Maharlika Highway na sakop ng Brgy. Bulabog, West district, dakong alas-2.
Minamaneho ni Margelino ang jeep (EVR-484) mula sa city proper patungong Castilla, nang mabundol mula sa likod ng Ultra Bus (AAI-9132) na noo’y minamaneho ni Santiago Yolip Jr. mula Leyte patungong Maynila.
Lumabas sa imbestigasyon na huminto ang jeep para magbaba ng mga pasahero, nang mabundol.
Sa lakas ng impact ay bumaligtad pa ang jeep kaya maraming nasugatan.
Napag-alaman din na mabilis ang takbo ng Ultra Bus dahil nakikipag-karera ito sa dalawa pang bus, ayon naman sa ulat ng Bicol regional police.
Nahagip nito ang jeep nang pumasok sa pinakadulong lane sa kanan, matapos mag-overtake.
Dinala ng mga rescuer sa ospital ang mga sugatang pasahero ng jeep, habang nananatili sa kostudiya ng pulisya ang driver ng Ultra Bus para sa karagdagang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.