ARESTADO ang isang barangay kagawad at isa pang lalaki nang makuhaan ng aabot sa P3.4 milyon halaga ng shabu at baril, sa buy-bust operation sa Dasmarinas City, Cavite, Biyernes ng madaling-araw.
Kabilang sa mga naaresto si Pacalinog Rasul, 52, na itinuturing na provincial-level “high value target” dahil sa pagkasangkot sa kalakalan ng iligal na droga kahit pa kagawad ng Brgy. Datu Esmael, ayon sa ulat ng Cavite provincial police.
Isinagawa ng Provincial Special Operations Group, Dasmariñas City Police, at Philippine Drug Enforcement Agency ang operasyon sa Brgy. Datu Esmael, dakong alas-2.
Dinampot si Rasul nang makabili ang police poseur-buyer sa kanya ng isang sachet ng hinihinalang shabu.
Nang kapkapan ay narekober sa kanya ang P1,000 papel at boodle money, at nakuhaan siya ng limang pakete ng hinihinalang shabu.
Tinatayang 500 gramo ng droga ang nasamsam kay Rasul.
Dinakip din ang kasama niyang si Taratingan Ala, 63, nang makuhaan ng kargadong kalibre-.45 pistola.
Si Ala ay pinaniniwalaang “back-up” ni Rasul sa kalakalan ng droga, ayon sa pulisya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.