Vice Ganda: Gusto kong protektahan ang pamilya ni Ion, mahal nila ako…
“MAHAL ako ng pamilya niya.” Ito ang ibinandera ni Vice Ganda patungkol sa relasyon niya sa nanay at mga kapatid ng boyfriend niyang si Ion Perez.
Nag-celebrate ng kanilang first anniversary sina Vice at Ion kahapon, araw mismo ng Pasko – 14 months na silang magdyowa ngayon.
Ayon sa Unkabogable Star, tanggap na tanggap ng kanilang respective families kung anuman ang meron sila kabilang na ang kanilang mga nanay.
“Magkakilala yung nanay naming dalawa, nag-uusap sila, nagtsitsikahan. Nagpunta na yung nanay ko sa bahay nila. Kumakain lang sila ng kakanin,” kuwento ni Vice.
Kumusta naman ang pakikitungo sa kanya ng mga kapatid ni Ion? “Hindi naman kami talaga close, pero na-meet ko na sila. Tapos, okay kami, nakakausap ko rin ang mga kapatid niya.”
Itinago pa nu’ng una ng dalawa ang tunay nilang relasyon dahil ayon kay Vice, gusto niyang protektahan ang pamilya ng binata.
“Yung pamilya ni Ion talaga masaya. Yung pamilya ni Ion, isang simple at pangkaraniwang pamilyang Pilipino, kasi I was able to visit in his place.
“Tapos na-meet ko yung mga kapatid niya… napakatipikal at napakanormal at masaya.
“Isa rin yun sa mga dahilan ko dati kung bakit ayoko sanang ipangalandakan, kasi siyempre, kapag mahal mo yung tao, poprotektahan mo rin yung mga mahal niya.
“Gusto kong protektahan yun. Kasi kapag in-invade na ng panlabas na mga tao pati parte ang buhay na personal, di ba, hindi masarap yun sa pakiramdam ko, e,” paliwanag ng TV host-comedian.
Dugtong pa niya, “Hindi ko rin gugustuhing magulo ang buhay ng ibang tao dahil lang sa sayang nararamdaman namin.
“That would be very selfish na sarili lang ang iniintindi namin, yung pamilya namin hindi namin iniisip.
“Kasi ang pamilya niya talaga ang saya-saya at ang bait-bait. Mahal ako ng pamilya niya,” chika pa ni Vice.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.