11 patay, 20 sugatan sa aksidente sa Rizal, Cavite
PATAY ang 11 katao, samantalang mahigit 20 ang sugatan sa magkahiwalay na aksidente sa Cardona, Rizal, at Mendez, Cavite, Martes ng umaga.
Sa Cardona, siyam ang patay matapos araruhin ng dalawang trak ang isang jeepney sa kahabaan ng National Road sa Brgy. Looc, bago mag-alas-6 ng umaga, ayon kay Col. Renato Alba, Rizal provincial police director.
Kinilala ang anim sa mga nasawi na sina John Lester Lambrinto, Jan Brian Madaya, Jimbert Lambrinto, pawang mga estudyante ng ICCT Colleges; Maximo Julian, 60; Elizabeth Rios, 62; at Pablo Ramos, 71.
Inaalam pa ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng tatlo pang biktima.
Sugatan naman si Ronilo Cabales, isa sa mga driver ng trak at ang driver ng jeepney na si Fernando Bandril.
Minamaneho ni Cabales ang isang Isuzu Giga truck na puno ng bato at buhangin nang mabangga ang jeepney, na kalaunan ay nabangga ng isa pang Isuzu truck na minamaneho ni Pablo Ramos.
Makalipas lang ang isang oras, ganap na alas-7:15 ng umaga, dalawa ang nasawi nang araruhin ng isa pang trak na puno ng buhangin ang maraming sasakyan sa Mendez, Cavite.
Nasawi sina Rolando Ligsa at Roger Santos, kapwa residente ng naturang bayan, ayon kay Lt. Col. Chitadel Gaoiran, Calabarzon regional police spokesperson.
Minamaneho ng isangRomeo Sevilla ang trak mula Mendez papuntang Indang sa kahabaan ng J.P. Rizal st., nang magluko umano ang trak.
Aabot sa 20 ang sugatan matapos nitong araruhin ng trak ang maraming sasakyan, ayon kay Gaoiran.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.