Mga Laro Ngayon
(SM Mall of Asia Arena)
11 a.m. Iran vs Malaysia
1:15 p.m. Jordan vs
Taiwan
3:30 p.m. Japan vs Qatar
5:45 p.m. China vs Korea
8:30 p.m. Saudi Arabia
vs Philippines
10:30 p.m. Kazakhstan
vs Thailand
UUMPISAHAN ngayon ng Gilas Pilipinas men’s basketball team ang misyon nitong makakuha ng silya para sa 2014 FIBA World Cup na gaganapin sa Spain.
Alas-8:30 ng gabi nakatakda ang unang laban ng Gilas Pilipinas kontra Saudi Arabia sa pagbubukas sa araw na ito ng 27th FIBA Asia Men’s Championship na gaganapin sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City at sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Maynila.
Nakataya sa torneong ito hindi lang ang korona bilang pinakamagaling na koponan sa Asya kundi ang tatlong puwesto para sa FIBA World Cup.
Bukod sa Saudi Arabia ay ka-bracket din ng Pilipinas ang Jordan at Chinese Taipei na pawang malakas din at hindi maaaring balewalain.
Aminado si Gilas head coach Chot Reyes na mahihirapan ang kanyang koponan laban sa mga pinakamahuhusay sa rehiyon pero kumpiyansa siyang aabot ang bansa sa semifinal round at makakamtam ng Gilas ang pagnanasa nitong makapaglaro uli sa FIBA World Championship.
Huling nakapaglaro sa FIBA World ang Pilipinas noong 1978 kung saan dito ginanap ang torneo. Sa kasaysayan ng Philippine basketball, ito ang pinakamatangkad na koponang binuo para lumaban sa isang international tournament.
Gayunman, mas matatangkad pa rin ang ibang koponan kumpara sa lineup ng Pilipinas. “We don’t have the height. That has been the Philippines’ deficiency way back.
We don’t have their size and time that they have but I think we have the skills, the desire to compete and put our best and I’m sure we have the crowd support,” sabi ni Reyes.
Ang frontline ng Gilas ay pinangungunahan nina Japeth Aguilar at June Mar Fajardo na kapwa may taas na 6-foot-10. Gagabayan naman sila ni 6-foot-11 Marcus Douthit na isang naturalized player.
Hindi naman pahuhuli sa outside shooting ang koponang ito dahil narito sina Gary David, Jeff Chan, Larry Fonacier at mga playmaker na sina LA Tenorio, Jayson Castro at Jimmy Alapag.
Narito rin sina Ranidel de Ocampo, Marc Pingris at Gabe Norwood para magbigay ng suporta. Ilan sa mga bansa na kinukunsiderang paborito sa torneong ito ay ang nagdedepensang kampeong China, Iran, Japan at Korea.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.