Tirso Cruz IV dating child star na nagbabalik-showbiz; suportado ni Pip | Bandera

Tirso Cruz IV dating child star na nagbabalik-showbiz; suportado ni Pip

Ervin Santiago - December 04, 2019 - 12:22 AM

NAKILALA namin kamakailan ang dating child star na si Tirso Cruz IV. Yes, hindi kayo nagkakamali ng basa, “the fourth” nga ang Tirso na humarap sa entertainment press recently para buhayin ang kanyang singing career dito sa Pilipinas.

Sa mga hindi pa nakakakilala kay Tirso Cruz IV, siya ay pamangkin ng award-winning veteran actor na si Tirso Cruz III at isa sa mga ipinagmamalaki ng pamilya Cruz bilang magaling ding singer. Sa katunayan, hats off sa kanya si Pip at talagang ipinagmalaki siya nang bonggang-bongga sa members ng media.

Sa launching ng kanyang bagong single na “Pwede Pa Naman” na ginanap sa Sage Bar, Shangri-La Hotel, Makati, ikinuwento ni Tirso IV o Pong sa kanyang pamilya at mga kaibigan kung bakit nagdesisyon siyang bumalik sa Pilipinas para balikan ang kanyang first love – ito ngang pagko-compose at pagkanta.

Mahigit anim na taon ding huminto sa pagkanta si Pong matapos magdesisyong samahan ang asawang si Glenda sa Japan at asikasuhin ang kanilang begosyo roon, kabilang na ang Omakase, isang travel and tours agency. Dati nang nag-artista si Pong, nakagawa siya noon ng apat na pelikula, kabilang na ang “Idol” ni Rudy Fernandez at ilang teleserye, ngunit hindi ito nagtuluy-tuloy dahil mas pinili niyang karirin ang pagiging singer sa iba’t ibang Asian countries.

Hanggang sa mapag-usapan na nga nila ng kanyang asawang ni Glenda ang plano niyang bumalik sa Pilipinas para ipagpatuloy ang naunsiyaming singing career, “Passion ko kasi talaga ng pagkanta. Kaya nu’ng umoo na si misis, at nabuo nga itong ‘Pwede Pa Naman’ ‘yun na, kaya nandito ako ngayon sa harapan n’yo.”

Natanong si Pong kung bakit sa kanya ibinigay ang pangalang Tirso Cruz at hindi sa mga anak ni Pip o sa iba pa nilang kamag-anak, “Bata pa ako, sinabi na ng tatay ko, sa family namin, na medyo parang ginto ang pangalan na Tirso. Sa mga Cruz, ginto ang Tirso.

“Siyempre, hindi maiiwasan noon na nagkaroon ng selosan, bakit sa akin napunta ang pangalan na Tirso Cruz IV? Sinasabi ko sa tatay ko, ‘Pa, bakit may ganyan (isyu sa pangalan)? Hindi ko naman ginusto yung pangalan.’ Sabi niya, ‘Hindi mo maiintindihan kasi bata ka pa. Pagtanda mo, malalaman mo kung ano yung kahalagahan ng Tirso sa Pilipinas. Pinakalolo mo pa ‘yan.’

“Ngayon, tumakbo yung panahon, naiintindihan ko na. Kahit saan ako makarating, yung pangalan ko, kilala. Mas maraming advantage para sa akin dahil sa pangalan ko na ibinigay ng lola ko. Yung name ko, galing sa pinakalola namin, great great grandmother.

“Yun ang nagbibigay ng pangalan na Tirso sa family namin. So, nu’ng namatay siya, naputol yung Tirso. Pero sa totoong lang hindi ko na naitanong kung bakit sa akin ibinigay na pangalan ang Tirso,” mahabang paliwanag ni Pong.

Sa panayam naman kay Pip matapos ang single launching ng kanyang pamangkin, proud siya na si Pong ang napili ng kanilang lola na pangalanang Tirso Cruz IV dahil bukod sa magaling na itong singer ay mabait at marespeto rin itong kapamilya. Aniya pa, totoong matindi ang pagrespeto ng kanilang angkan sa pangalang Tirso.

“Kapag dinala mo yung pangalan ng lolo, you try to put your best foot forward. You may not be as good as him, but we try. Sinusubukan namin na alagaan yung pangalan na dala ko, hindi ako. Yung dala kong pangalan ang kailangan na, as much as possible, mabigyan ko ng due respect.

“Nagkataon yung pamangkin ko, ibinigay rin sa kanya yung pangalan na yun. So for us, it’s a great honor talaga. Napakataas ng pagtingin namin sa lolo namin. Mahirap pantayan yung mga ginawa niya. Mahirap pantayan yung talento niya. It’s a hard thing to follow,” lahad pa ng veteran actor.

Dito ipinaalala rin ni Pip sa members ng entertainment press na isa ring great musician ang kanilang lolong si Tirso Cruz, Sr. at ito raw ang composer ng “Mabuhay, My Philippines,” ang unofficial presidential marching hymn na unang pinatugtog sa Manila Hotel noong May 16, 1931. Sa mga hindi pa nakakaalam, si Tirso, Sr. ang sinasabing pinakasikat at highest-paid orchestra leader noon sa Maynila.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Ayon pa kina Pip at Pong, ang lolo nila ang nagsilbing pintuan para makapasok at makilala sa entertainment industry ang kanyang mga apo at iba pang kapamilya.

Samantala, kasabay ng launching ng “Pwede Pa Naman” ay ang paglabas ng official music video nito na kinunan pa sa Paris. In fairness, habang pinanonood mo ang music video ni Pong ay para ka na ring naglilibot sa France, not to mention the fact na nakaka-LSS (last song syndrome) talaga ang kanta ni Pong.
Check out Pwede Pa Naman by Tirso Cruz IV on Amazon Music at sa iba pang digital platforms. Bukod nga pala sa pagpo-promote ng kanyang single, busy din si Pong kasama ang kanyang grupong Tac4 Band sa mga gigs here and abroad.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending