Raffy Tulfo umatras na sa pagtanggal ng lisensya ng guro
INIURONG na ng tv at radio anchor na si Raffy Tulfo ang banta na patanggalan ng lisensya ang guro na nagpalabas sa isang estudyante na nakaiwan ng report card at makulit sa klase matapos namang mabatikos ng mga netizens.
Ayon kay Tulfo sa pagkakataong ito ay pakikinggan niya ang mga netizens na nagsasabi na masyadong mabigat ang parusang nais nitong ipataw sa guro na si Melita Limjuco.
“This is one of the rare moments where ako po ay makikinig sa mga netizens,” ani Tulfo. “Maraming netizens na nagta-tag sa atin, in fact maraming mga nagagalit dahil doon sa naging desisyon natin na hindi daw naging maganda ang pagka-handle sa desisyon na yun. Yes I am going to listen to our netizens dahil nga naman kung wala ang mga netizens wala rin tayong show.”
Sinabi ni Tulfo na ang gagawin na lamang nito ay pagkasunduin ang guro at mga magulang ng bata.
“My point nga naman sila na masyadong harsh yung desisyon na pag-resign-in si teacher, although si teacher admitted na mayroon siyang pagkakasala doon, kung tutuusin child abuse nga yun dahil pinahiya nya yung bata, pero para sa akin at that very moment habang ini-interview ko si lola kasi ang gusto kasi ni lola makulong pero ang aking desisyon kasi sa mga ganung situation pagbabatiin sila.”
Sinabi ni Tulfo na nadala siya ng emosyon ng lola at magulang ng estudyante.
“Para sa akin, I guess naging emotional si lola, naging emotional yung parents maging tayo nadala na din sa emosyon nung mga nagsusumbong, uulitin ko pagbibigyan ko yung mga netizens pakikinggan ko sila hindi siguro naaayon yung parusa dun sa nagawa ni teacher para siya ay sibakin sa serbisyo.”
Pero sinabi ni Tulfo na dapat ay maparusahan pa rin ang guro sa kanyang nagawa.
“Bagamat I believe na she should still be sanctioned, yes wag na natin siyang sibakin sa serbisyo dahil the wrong doing doesn’t fit the punishment. On the other hand kailangan pa rin siyang ma-sanctioned. Siguro kailangan turuan siya ng maximum tolerance dahil ang tinuturuan niya ay mga bata.”
Kung naging makulit man umano ang bata ang dapat na mag-adjust ay ang guro dahil siya ang nakatatanda.
“Tayo po ay makikinig sa mga netizens sa kanilang panawagan na huwag ng pagsibak si teacher,” paguulit ni Tulfo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.