B-Day concert ni Betong soldout; Alden, Dingdong, Bitoy umeksena
SOLDOUT ang birthday concert ni Kapuso TV host-comedian Betong Sumaya na ginanap kamakalawa ng gabi sa Music Museum sa Greenhills, San Juan.
Grabe! Umabot ng ha-tinggabi ang first major solo concert ng komedyante, na matatawag na rin ngayong certified singer-performer, dahil sa dami ng kanyang special guests! The other night talaga ang kaarawan ni Betong kaya super memorable ito sa itinanghal noong grand winner ng Survivor Philippines: Celebrity Doubles Showdown.
Bukod nga sa certified soldout ang concert titled “Try Ko Lang Ha: Betong’s Amazing Concert,” literal na bumaha ng Kapuso stars that night, kabilang na sina Asia’s Multimedia star Alden Richards, Kapuso Primetime king Dingdong Dantes, Broadway superstar Aicelle Santos at multi-awarded TV host-comedian Michael V.
Unang humataw ang Pambansang Bae kasama si Betong na talagang tinilian ng audience. Pagkatapos ng kanilang dance showdown, pinuri ni Alden ang kabaitan ni Betong na aniya’y walang ipinagbago kahit sikat na.
“Si Betong po ang madalas kong kasama sa mga international shows po na ginagawa namin abroad sa GMA Pinoy TV. Ang masasabi ko lang po talaga dito, sincere na tao itong si Betong.
“Kahit minsan marami ‘yung mga humahamak sa kanya, doon ka na lang ilalagay. Parang hindi niya deserve ‘yun kasi mabuting tao ito.
“Kilala ko ‘to and ang tagal namin makatrabaho, ang tagal ko na siyang kasama. Walang pinagbago ‘yung kabutihan niya ng puso.
“So huwag mong sayangin ‘yung kabutihan ng puso na ‘yan kahit ano pang sabihin ng ibang tao sa ‘yo. Kasi ‘yun ‘yung puwede mong ipagmalaki sa lahat. Happy birthday!” mensahe pa ng Kapuso matinee idol.
Nakipaghatawan naman on stage si Dingdong kasama ang naging tribemates ni Betong sa Survivor Philippines na sina Maey Bautista, Chuckie Dreyfus, Arthur Solinap at Carlo Gonzalez.
Sey ni Dong, itinuturing di niyang BFF si Betong na nakatrabaho na niya noon sa seryeng Genesis, “Si Betong kumakain pa po kami ng isaw sa UP, isa po naming paboritong puntahan doon, yes!
“And then alam ko, lahat naman tayo, kung gaano siya kagaling sumayaw at kumanta. Pero noong una kami magsama sa Genesis doon niya naipakita ‘yung galing niya sa drama kaya all around, my friend. Forever my friend, happy birthday. So proud of you,” sey pa ng mister ni Marian Rivera.
Riot naman ang special sketch nina Betong at Michael V bilang sina Antonietta at Amponietta na nagtagisan din sa pagkanta ng hit single ng Pussycat Dolls na “Don’t Cha.”
Narito naman ang mensahe ni Betong kay Bitoy, “On a personal level po, talaga sobrang talaga ‘yung pasasalamat ko kay Kuya Bitoy kasi talagang hindi po maramot po kasi itong tao na ito, sobrang generous po.
“Guys, talagang itong pong Antonietta po na role ay talagang ipinagkatiwala po sa akin, and Kuya Bitoy, maraming salamat po.”
Bukod dito, pinainit din ng mga co-stars ni Betong sa Bubble Gang ang concert stage with a pasabog dance number featuring Valeen Monetengro, Chariz Solomon and Lovely Abella. Pinalakpakan naman nang bonggang-bongga ang biritan showdown nina Aicelle Santos, Maricris Garcia at Anthony Rosaldo. Nakasama rin ni Betong sa kanyang birthday concert sina Miguel Tanfelix at Michael Angelo.
At bago matapos ang concert, tinawag ni Betong ang kaibigan at katrabahong si Oshwald Carbonell para sa isang announcement. And yes, nag-propose ito sa kanyang girlfriend na si Eena Torres sa harap mismo ni Betong at ng manonood. In fairness, nag-yes naman ang girl kaya palakpakan ang audience.
After the show, isa lang ang napatunayan namin at ng iba pang nakapanood kay Betong, may karapatan siyang kumanta at magkaroon ng concert dahil ang galing-galing niyang singer at hindi basta singer-singeran lang!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.