Anak ni Atong Ang nag-thank you kay Gretchen sa premiere night; payag maging kontrabida ni Julia
DUMATING si Gretchen Barretto sa premiere night ng pelikulang “Two Love You” na ipinrodyus ni Ogie Diaz para sa OgieD Productions at Lonewolf Productions nitong Linggo sa SM Megamall.
Kasamang dumating ng kontrobersyal na aktres ang anak ni Atong Ang na si Elaine Yu na kasama pala sa pelikula bilang bestfriend ni Yen Santos.
Ayon kay Elaine ay close sila ng pamilya ni Greta kaya Tita G ang tawag niya rito.
“Super supportive sa akin (Gretchen), close talaga siya sa family namin, sa mga anak ko rin. Ka-business kasi namin sila (kasama si Tony Boy Cojuangco), so we regularly see each other sa mga party, masarap siya magluto, pinapadalhan niya kami parati (ng pagkain).
“Thank you Tita G for finding time to come here and for supporting our movie and to promote it,” sabi ng baguhang aktres pagkatapos naming mapanood ang “Two Love You.”
Naging malaking iskandalo sa Barretto sisters na sina Gretchen at Claudine ang sinabi ni Marjorie na may relasyon sina Gretchen at Atong Ang pagkatapos ni Claudine, pati na rin sa pamangkin nilang si Nicole.
Maganda ang sinabi ni Elaine tungkol dito, “Sabi nga nila, it’s not my battle (sabay tawa), kaya it’s not my battle. Hindi naman ako apektado kasi iba naman ‘yung balita sa totoo. Ang importante, intact kaming family, ‘yung circle namin maayos,”
Dagdag pa niya, “Actually, dumagdag ng 200 ang followers sa Instagram ko simula nu’ng Barretto (feud), so magandang effect ‘yun sa akin. May ma namba-bash, okay lang naman hindi ko sinasagot kasi hindi naman ako involved at hindi naman makakatulong din sa akin.”
Marunong umarte si Elaine kaya posibleng sumikat siya sa sarili niyang pamamaraan. Kumuha rin siya ng acting workshop kay Ogie at kay Ina Feleo.
Sabi pa ni Elaine, bata pa lang siya ay gusto na niyang pasukin ang showbiz pero hindi nangyari dahil bawal sa Chinese school na pinapasukan niya.
“Natanggap na ako ni direk Bobot (Mortiz) kaso tatanggalin naman ako sa Chinese school, so hindi ako pinayagan ng parents ko. Tapos nag-Amerika na kami noong 15 years old ako.
“Doon nga nag-aartista pa rin ako sa LA (Los Angeles), sa Vegas (Las Vegas), modelling kasi may agent naman ako roon. E, umuwi na ako dito tapos ikinasal na ako’t nagkaanak. Kaya nakabalik lang ako sa showbiz last year lang kaya kay tito Ogie kami lumapit para tulungan kami at mag-manage sa akin,” saad ng baguhang aktres.
May career na pala siya sa Amerika bakit bumalik pa siya ng Pilipinas? “Mas masaya pa rin sa Philippines, iba pa rin dito kasi lahat parang iisang pamilya, sa Amerika kanya-kanya malalayo so, mas okay pa rin dito,” paliwanag pa ng alaga ni Ogie.
Samantala, kasama rin si Elaine sa pelikulang “NUUK” bilang anak ni Aga Muhlach na nagpakamatay. Akalain n’yo, pumasa pang 16 years old ang aktres gayung 34 na siya sa tunay na buhay.
Pangarap niyang makatrabaho sina Piolo Pascual, John Lloyd Cruz at Coco Martin, “Pangarap lang naman ‘yun, pero ako kasi kapag may magagaling akong nakakasama, imbes na ma-pressure ako, mas natututo akong lumebel. Kaya gusto ko sana mga ganu’n (tipo ng artista) na natsa-challenge ako,” pahayag ni Elaine.
Wala sa bokulabolaryo niya ang maging bida, “Feeling ko mas gusto ko drama, though nag-comedy na ako at na-enjoy naman, pero mas gusto ko ang drama lalo na kapag kontrabida. Kasi hindi naman bagay sa akin ang kinakawawa, kaya ako na lang ang kakawawa.”
Okay sa kanya na maging kontrabida ni Julia Barretto, (natawa muna si Elaine), “Okay lang, siya ‘yung mabait, ako ‘yung kontrabida!”
Inamin niya na nakatulong sa kanyang career ang naging away ng Barretto sisters, “Kasi hindi naman ako mapapansin kung hindi dahil sa kanila pero ‘yung work ko pa rin sana ang mangibabaw hindi naman dapat ‘yung popularity lang, dapat ‘yung trabaho.”
Mapapanood na ang “Two Love You” bukas mula sa direksyon ni Benedict Mique.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.