Marian ka-level na si Kris bilang endorsement queen: Ay hindi naman! Magkaiba po…
MULA nang mag-asawa at magkaanak ay mas sinuwerte pa si Marian Rivera – nagsunud-sunod talaga ang pagdating ng blessings sa buhay niya.
Isa na nga riyan ang pagiging in-demand sa mga TV commercial at iba pang endorsements, kabilang na rito ang pagre-renew niya ng kontrata bilang ambassador ng Reverie by Beautederm Home na pag-aari ng kanyang kaibigang si Rhea Tan.
Sa nakaraang presscon ni Marian para sa Reverie, natanong kung ano ang reaksyon niya na siya na ang ka-level ngayon ni Kris Aquino pagdating sa dami ng produktong ineendorso.
Agad na umiling ang misis ni Dingdong Dantes sabay sabing, “Ah hindi. Ang hirap mag-compare ng isang tao sa ibang tao, so walang comparison. Ayoko ng comparison at ninang ko iyan, nirerespeto ko iyan.
“Iba ang sa kanya at iba ang bigay sa akin ng Panginoon. Very thankful ako dahil dati kasi noong single ako, wow, may endorsement, ipon ako. Ngayon, kapag nanay ka, iba. Salamat Lord at nakakaipon ako para sa magandang future sa mga anak ko,” mahabang pahayag ni Marian.
Siyempre, dahil nga sa dami ng blessings na natatanggap niya, tuluy-tuloy din ang kanyang pagtulong sa iba’t ibang charitable institutions.
Sa katunayan, isa si Marian sa mga iilang celebrities na tumutulong ngayon sa mga kababayan nating nilindol sa Mindanao, “Nangangalap talaga kami ng mga donation for the victims talaga.
“And by this week siguro, magpa-pack na kami. Ang Yes Pinoy Foundation (na pinamumunuan ni Dingdong) ang isa sa nangunguna talaga para matulungan natin ang mga kababayan natin na nangangailangan sa Mindanao,” sabi pa ng Kapuso Primetime Queen.
“Katulad nga nito na yung mga kababayan natin, nangangailangan ng pagkain. Sabi niya (Dong), ‘wag kang mag-aalala, magbibigay ako ng kabang-kabang bigas,” aniya pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.