KINONDENA ngayon ni Senator Imee Marcos ang malaganap na pagsasamantala ng mga negosyante sa hanay ng mga manggagawa sa patuloy na hindi pagbibigay ng kanilang 13th month pay kapag dumarating ang panahon ng Kapaskuhan.
Ibinunyag ni Marcos na hanggang ngayon ay maraming negosyante ang hindi sumusunod sa batas at sa halip na ibigay ang kabuuang isang buwang sahod bilang 13th month pay, binibigyan na lamang ang mga regular na manggagawa o empleyado ng grocery items.
“Dapat isang buwan na sahod ang ibinibigay ng mga employers sa kanilang mga empleyado. Pero binabarat talaga nila ang mga manggagawa at grocery items na lang ang kapalit na halos P2,000 lang ang halaga,” pahayag ni Marcos.
Sinabi ni Marcos na hindi lamang sa Metro Manila malaganap ang ganitong ginagawa ng mga negosyante kundi pati sa mga probinsya ay patuloy rin na nangyayari ang hindi pagsunod sa batas hinggil sa 13th month pay.
“Ang masakit pa nito, sasabihin ng mga employer sa kanilang mga empleyado na ang grocery items na kanilang nakuha ay Chirstmas bonus na rin. Parang may utang na loob pa ang mga manggagawa ngayon,” sabi pa ni Marcos.
Sinabi pa ni Marcos na walang kapangyarihan ang Department of Labor (DOLE) na obligahin ang mga kompanya dahil sa walang kaparusahang isinasaad sa batas na nagpapataw sa mga negosyanteng hindi sumusunod sa pagbibigay ng13th month pay.
“Kailangan sigurong pag-usapan namin ito ng DOLE para masigurong hindi makalulusot ang mga negosyanteng hindi nagbibigay ng 13th month pay. Kung kinakailangang susugan natin ang batas, gagawin natin ito,” dagdag pa ni Marcos.
Ayon pa kay Marcos, isa ang Trade Union Congress of the Philippines o TUCP na patuloy na lumalaban para sa karapatan ng mga manggagawa at nagsisiwalat ng pagsasamantala ng mga kapitalista.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.