Ang pamumulitika ni Nograles; payo ni Honasan kay Lacson: "Mag disguise ka"; atbp. | Bandera

Ang pamumulitika ni Nograles; payo ni Honasan kay Lacson: “Mag disguise ka”; atbp.

- February 09, 2010 - 01:50 PM

Target ni Tulfo by Mon Tulfo

PARANG may diperensiya sa utak itong si Archbishop-emeritus Oscar Cruz dahil sa kanyang pahayag na kaya sumibat si Ping Lacson sa bansa ay dahil di patas ang hustisya sa bansa.
Hindi na inisip ni Cruz ang mga naging biktima ng pagdukot at paspaslang na sina PR man Bubby Dacer at ang kanyang drayber na si Emmanuel Corbito.
Parang sinabi ni Cruz na walang kuwenta ang buhay nina Dacer at Corbito.
At dahil wala namang kuwenta ang buhay nila, okay lang kung tumakas ang principal na akusado sa kanilang pagdukot at pagpaslang.
Parang hindi alagad ng Diyos itong si Cruz sa kanyang mga binibitiwang salita.
Noong palagi pa niyang binabanatan si First Gentleman Mike Arroyo pati yung paghahanda ni FG ng kanyang birthday sa Malakanyang ay pinuna ni Archbishop Cruz.
Sinabi ng mabait na arsobispo na ginawang mga GRO ang mga empleyado ng Pagcor na nagsilbing usherettes sa mga bisita ni FG noon.
Paanong naging GRO—bagong pangalan ng hostess o babaeng nagbibigay ng aliw sa nightclub—ang mga disenteng babae na nagtatrabaho sa Pagcor?
Parang sinabi ni Cruz na ginawang bar o nightclub ang Malakanyang sa birthday ni Mike Arroyo.
Maaaring may mga kasalanan si FG pero hindi isa roon ay pagiging bugaw.
Sa tinuran ni Cruz na wala siyang ibinigay na payo kay Lacson nang lumapit ito sa kanya bago tumakas sa bansa, para na rin niyang pinahyuhan ang senador na, “Sige, tumakas ka na!”
Ibig sabihin ni Cruz na dahil mataas na opisyal ng bansa si Lacson dapat ay di siya humarap sa hustisya?
Ang kasong murder ay krimen na walang piyansa.
Dahil ba hindi puwedeng magpiyansa si Ping Lacson kaya parang pinayuhan ni Cruz siya na tumakas?
Dahil lang ba si Lacson ay kalaban ni Pangulong Gloria at ni Mike Arroyo ay, sa mata ni Cruz, hindi patas ang kanyang magiging paglilitis?
Kung ang pag-iisip ni Cruz ay gaya ng kapwa niya opisyal ng Simbahang Katolika, sasanib na sa ibang relihiyon ang maraming miyembro nito.
* * *
Isa pang pasaway itong si Sen. Gregorio Honasan na nagbigay ng payo Lacson na magsuot ng disguise upang hindi mahuli.
Gamitin daw ni Lacson ang kanyang natutuhan sa militar at pulisya sa pagdi-disguise para di siya makilala.
Sina Honasan at Lacson ay classmates sa Philippine Military Academy.
Understandable na magmalasakit si Honasan sa kanyang “mistah” dahil ganoon ang kultura sa PMA.
Pero ang payuhan niya si Ping Lacson sa publiko tungkol sa pagdi-disguise ay ibang usapan.
Para na ring sinabi ni Honasan na tama ang ginawa ni Ping na tumakas sa batas.
Senador ba itong si Honasan o kriminal?
* * *
Baka hindi raw makikilala ngayon si Ping Lacson, sabi ng National Bureau of Investigation (NBI).
Kasi raw baka naglagay na ng bigote o nagsuot na ng wig.
Palagay ko hindi bagay kay Ping ang bigote.
Ang bagay sa kanya ay wig.
Bwahaha!
* * *
Hinimok ni Speaker Prospero Nograles ang Commission on Human Rights (CHR) na dalian ang pagbibigay ng report tungkol sa Davao Death Squad (DDS) na nasa likod ng mga “salvage’ ng mga pusakal na kriminal sa siyudad.
Sabi ni Nograles, kailangan mabigyan ng hustisya ang pagkamatay daw ng 800 katao.
Hu, pamumulitika lang yang ginagawa mo Boy Nogie!
Bakit noon di ka umaangal sa pagsasalvage ng mga kriminal sa Davao City noong kayo ni Mayor Rody Duterte ay magkaibigan pa?
Bakit ngayon mo lang inuungkat ang ginawa ng DDS nang ikaw ay tumatakbo bilang mayor at kalaban mo ang anak ni Rody na si Inday?

BANDERA, 020910

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending