NAGKAKAMALI kayo kung sa akala niyo na ang non-profit na Association of Firearms and Ammunition Dealers of the Philippines, Inc. (AFAD) ay nakatuon lamang ang pansin sa gun industry at negosyo.
Sinusulong kasi ng pinakamalaki at lehitimong samahan ng responsible gun owners na mga sibilyan ang tumulong sa kampanya ng pamahalaan laban sa mga private armies at loose firearms.
Ngunit para sa AFAD hindi lamang usapang baril at bala ang mahalaga.
Mahusay na ipinaliwanag ni UP-graduate Aric Topacio, pangulo ng AFAD, at ni vice-president EJ Año ang mga mahahalagang papel ng AFAD sa komunidad.
Sa totoo lang maraming puwedeng pag-usapan sa 27th one-stop AFAD Defense & Sporting Arms Show na gagawin sa Nobyembre 14-18 sa Megatrade Hall sa SM Megamall sa Mandaluyong City. Noong nakaraang Hulyo ay hindi kukulangin sa 28,000 katao ang dumalaw at nagsiksikan sa unang edisyon ng AFAD Gun Show.
Ayon kay Topacio, nakatuon din ang programa ng AFAD sa mga pamilya.
‘‘The fireams industry is not just for recreational, sporting activities and security detail. AFAD is not just for supplying the best firearms, ammunition and accesories available in the market but we’re here to help the government in their fight against the illicit trade of firearms and promotion of responsible gun ownership,’’ wika ni Topacio. ‘’Our gun show is also a family event.’’
Bago ko nga pala makalimutan, kasama rin ang AFAD sa pagtataguyod ng bansa sa darating na Southeast Asian Games.
Suportado ng AFAD ang kanilang mga miyembro na sina Eric Ang, Jethro Dionisio, Hagan Topacio at Carlos Carag na mga pambato ng pambansang koponan sa darating na SEA Games.
Hindi masama ang magmay-ari ng mga baril, maging responsable lang at respeto sa isa’t isa.
Tenk yu Nesthy, EJ, Caloy
IPAGBUNYI natin ang mga tagumpay nina Nesthy Petecio sa boxing, Ernest John Obiena sa athletics, at Caloy Yulo sa gymnastics sa pandaigdigang tanghalan.
Nawa’y magpatuloy ang kanilang mga nakatutulirong suntok, somersault, talon at determinasyon upang ipamalas sa mundo na nasa tamang daan ang Pinoy sports sa ilalim ng Philippine Sports Commission (PSC).
Marami ang nagsasabing ang ating lahi ay madaling makalimot at kung palakasan at hindi pulitika ang pag-uusapan ay mabuti naman sapagkat matapos ang mga tagumpay ng tatlong mandirigma sa harap ng mga banyagang manonood ay tila nakalimutan na natin ang nadisgrasyang kampanya ng
Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup.
Ngunit hindi pa tapos ang paglalakbay ng tatlong world-class athletes na ito.
Sa totoo lang ang talagang pangarap natin ay makuha ng Pilipinas ang unang medalyang ginto sa Olympics.
Hindi naman masamang sabihin na ang mga panalo ng tatlo ay nagbibigay sa atin ng positibong pananaw sa nakapapagod nating paghihintay ng ginto sa Olympics.
Milyonarya na si Nesthy na tulad ni Caloy ay laki sa hirap. Nadagdagan pa ang deposito ni Caloy sa bangko matapos siyang bigyan ng karagdagang P500,000 ng pamahalaan ng Maynila sa ilalim ni Yorme Isko. Taga-Leveriza kasi si Caloy. Nakakuha rin ng kalahating milyon si EJ na taga-Tondo.
Huwag kalimutan na nauna na ang PSC na nagbigay ng tig-isang milyong piso sa tatlong ito. Nagbigay din ng cash gift ang MVP Sports Foundation, Phoenix at siyempre pa ay may pabuya rin mula sa Palasyo sa Ilog Pasig.
Tiyak na madadagdagan pa ang ‘takits’ ng tatlo sa darating na Southeast Asian Games na gagawin dito sa bansa. Tuloy-tuloy ang suwerte, ika nga.
Sa totoo lang ay barya ang lahat na ito kung makakakuha ng ginto ang mga astig sa 2020 Tokyo Olympics. Ang maganda nito ay may mga ilan pang atletang Pinoy ang inaasahang magiging kwalipikado sa 2020 Tokyo.
Sa ngayon ay dalawang Pinoy pa lamang ang nakapag-qualify sa 2020 Olympics. Ito ay ang 4-foot-11 na si Yulo sa gymnastics at ang 6-foot-1 na si EJ sa pole vault.
Malamang na makakuha rin ng slot sa Olympics si Nesthy pati na rin ang 2016 Olympic silver medalist na si Hidilyn Diaz sa weightlifting.
Noon pa ako pabor sa taktika ng PSC na ituon ang pansin sa mga focus o elite sports na kung saan ay may pag-asang makamedalya ang bansa sa Olympics at iba pang pandaigdigang paligsahan.
Naglaan na ng P50 milyon si PSC chairman Butch Ramirez upang sustentuhan ang paghahanda ng mga elite Pinoy athletes. Magandang hakbang ito.
Aminin na natin, mahihirapan tayong manalo sa basketball, swimming, badminton, lawn tennis, atbp. May pag-asa tayo sa boxing, gymnastics, weightlifting, bowling at chess at sa iba pang isports na hindi kailangan ang tangkad at laki ng katawan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.