Dianne sa wedding nila ni Rodjun: Hati kami sa gastos
Pagkalipas ng 12 years bilang magdyowa ay heto’t ikakasal na sina Rodjun Cruz at Dianne Medina sa Dis. 21 sa Manila Cathedral habang sa Sofitel Hotel naman ang reception.
Sa panayam namin kay Dianne sa ginanap na I Pink I Can Breast Cancer Awareness na ginanap sa Gateway Mall ay inamin nuyang may trabaho siya hanggang Dis. 18 kaya biniro namin siya na hindi uso sa kanya ang pahinga.
“Tumanggap pa ako hanggang December 18. Ha-hahaha!” natawang sabi niya sa amin. “Okay lang po ‘yun, masaya naman akong nagtatrabaho, hindi ko po kasi alam basta’t about hosting, it’s really my passion, masaya ako kaya tinatanggap ko talaga.”
Nabanggit pa niya na dapat daw ay hanggang Dec. 20 pa ang raket niya kaso nagalit na raw si Rodjun, “Pinigilan na niya ako kasi supposedly may work ako ng December 20, which is the night before our wedding, so I cancelled it na dahil nagalit na sa akin si Rodjun kasi dapat nga raw nagre-relax na ako,” kuwento ng dalaga.
Inalam namin kung sinu-sino ang mga ninong at ninang nila, “Sina Sen. Bong Go, Gov. Bojie Dy ng Isabela, Cong. Albie Benitez ng Negros Occidental, Sen. Grace Poe, Gov. Esmael Mangudadatu (Maguindanao). Mostly po politics kasi I work for PTV 4 (government TV network).
“Sa showbiz industry naman po sina kuya Willie Revillame, tito Joel Cruz, tita Reggie Magno, tita Annette Gozon, Miss Roselle Monteverde. Hindi ko pa po puwedeng sabihin ‘yung iba kasi pupuntahan pa lang.”
Nasa 20 pares din ang bridesmaid at groomsmen nila kabilang na sina Maxene Medina, Yasmien Kurdi, Alex Gonzaga, Janine Gutierrez, Andrea Torres at Max Collins; Alden Richards, Marc Abaya, Kristoffer Martin, Marco Alcaraz, Jeff Cucullo ng Rocksteddy, Matteo Guidicelli, Joross Gamboa, Edgar Allan Guzman (Bestman).
Pinaghatian nina Rodjun at Dianne ang gastos sa kasal nila at hindi biro ito para sa 500 guests, “Mahal po talaga but you know, once in a lifetime naman po kasi sa event sa buhay mo and you want to celebrate it with your families and friends. At kaya po December kasi we want it to really festive, malapit sa Kapaskuhan, malapit sa kaarawan ng Panginoong Jesus kasi po we center our relationship, the foundation kay God po talaga.”
Si Mak Tumang ang gagawa ng wedding gown ni Dianne at si Randy Ortiz naman para sa suit ni Rodjun.
Samantala, sa ginanap na I Pink I Can Breast Cancer Awareness sinabi ni Dianne na suportado nila ng kapatid na si Katrina ang nasabing advocacy dahil ito ang ikinamatay ng kanilang ina.
“Na-detect siya (mommy nila) late stage na, stage 4 kasi ang alam niya may heart condition siya kasi iyon ang sumasakit kaya sa maling doktor siya pumupunta. Kaya talagang it’s important na tayo na ang gumawa ng paraan na magpa-self check up tayo,” pahayag ng dalaga.
Inamin ni Dianne na parati siyang nagpapa-check up kasi nga posibleng magkaroon din siya ng breast cancer, “Pag mga 30 plus puwedeng yearly magpa-check up, pag nasa 40’s above na, every 6 months, mas maganda ‘yung maaga mong malalaman.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.