IPINASOK ng China ang NBA veteran na si Wang Zhizhi para tumulong sa kampanya na maidepensa pa ang kampeonato sa 27th FIBA Asia Men’s Championship na gagawin sa Maynila mula Agosto 1 hanggang 11.
Si Wang ay isa sa tatlong bagong pasok sa Chinese team na ginawa matapos ma-injured ang tatlo nilang manlalaro matapos ang mga isinagawang tune-up games.
Ipinasok rin sa lineup ang beterano pang si Zhu Fangyu habang ang papasibol na playmaker na si Guo Ailun ay isinama rin.
Nawala sa koponang hahawakan ni Greek coach Panagiotis Giannakis ang itinuturing bilang number one point guard ng China na si Liu Wei bukod pa kay Han Shuo at center Li Muhao.
Si Liu ay nakasama rin ng bumisitang Shanghai Sharks na nakipaglaro sa Gilas noong Mayo pero hindi siya ipinasok dahil may iniinda rin sa katawan.
Ang pagbabago ay kailangan pang aprubahan ng FIBA Asia lalo pa’t nauna na silang naglagay ng deadline para maisumite ang kanilang official lineup sa kompetisyon.
Samantala, ang kompetisyong magdedetermina ng tatlong koponan na aabante sa FIBA World Cup sa Madrid, Spain sa susunod na taon ay hindi lamang katatampukan ng mga mahuhusay na manlalaro kundi pati ng mga coaches.
Ang iba pang tinitingala sa larangan ng coaching mula sa ibang koponan ay sina Greek coach Vangelis Aleksandris ng Jordan team, American mentor Tom Wisman ng Qatar, at si Giannakis.
Si coach Chot Reyes ang ipantatapat ng Pilipinas at ang 12 magigiting na manlalaro na gutom na makuha ang kampeonato para mapasigla ang basketball sa bansa.
Ipinalabas na rin ang halaga ng mga tickets para sa SM Mall of Asia Arena at ang patron A ay P1,500, ang patron B reserved seats ay P1,200, lower box A ay P800, lower box B ay P500, upper box ay P175 at ang general admission ay P100.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.