SA kabila ng pag-asenso sa buhay ng isang OFW ay nadadagdagan din ng sangkatutak na pasanin na puwede namang naiwasan kung naging maingat lamang sila.
Ayon sa record, mas mataas na ang bilang ng mga OFW na HIV positive kumpara noong isang taon. Pinangangambahang aabutin nito ang tinatawag na record high dahil sa pagdami ng mga OFW na nahawahan nito.
Tiyak namang hindi ito job-related.
By choice? Oo. Pinili nila ang maruming estilo ng pamumuhay, kawalang disiplina, walang kontrol at kawalang katapatan sa mga asawa kung mayroon man o maging sa mga karelasyong naiwan sa bansa.
Kahit may mga asawa pa, nagkakaroon ng iba’t-ibang karelasyon sa ibayong dagat, hindi lang sa mga kababayan nila kundi maging sa ibang mga lahi din.
Normal na lang ang tinatawag na casual sex, hindi lang sa pagitan ng lalaki at babae kundi maging sa parehong kasarian, lalaki sa lalaki o babae sa babae.
Mayroon ding makikipag-sex lamang sila sa hindi nila kaano-ano na nakilala lamang nila at pagkatapos kinabukasan, wala na. Parang walang nangyari.
Tulad na lamang ng isang babaeng Pinay seafarer ang nakipag-inuman sa mga kasamahan niya sa barko. Nalasing ang Pinay at may naka-sex itong ibang lahi.
Palibhasa ay naka-schedule na siyang umuwi ng susunod na linggo, kung kaya sa Pilipinas na lamang niya nalaman na buntis na pala siya.
Alam daw niya kung sino at anong lahi ang nakabuntis sa kanya at masasabing tatay ng magiging anak niya pero pinili niyang huwag na lamang itong ipaalam sa kapwa seafarer. At palibhasa’y ibang lahi nga iyon, natakot siyang tanggihan ang pananagutan.
Sa halip ay nagdesisyon siyang ituloy ang kanyang pagbubuntis ngunit ang pinakamalaking takot niya ay ang magpositibo siya sa HIV. Kilalang-kilala ang lalaking nakatalik na halos lahat umano ng mga babaeng seafarer.
Ito ang mga panandaliang kaligayan ngunit may nagtatagal na epekto at kung minsan pa nga, nakamamatay.
Huli na para pagsisihan ng isa ang maling nagawa niya.
At nalaman din natin na sa halip na itigil ang pakikipag-sex sa kung sinu-sino, may nagsabing nang malaman ng lalaki na HIV positive na pala siya, mas ginusto pa nitong makahawa sa marami pa at nang mandamay na lamang umano siya bilang ganti sa nangyari sa kaniya
Ito ang reyalidad ng buhay. Kapag naghasik ng karumihan, tiyak na ito rin ang aanihin at walang dudang kapahamakan ang dulo ng lahat ng ito na sa bandang huli mismong buhay nila ang magiging kapalit ng maruming pamumuhay.
vvv
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.