Rita sa pagiging lead star: Hindi po ako sanay, ganu’n pala ang feeling
“HINDI ako sanay!” ‘Yan ang feeling ng Kapuso leading lady na si Rita Daniela sa tinatamasa niyang tagumpay ngayon bilang singer-actress.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala ang dalaga sa lahat ng blessings na natatanggap niya, lalo na ang pinakabagong proyekto na ibinigay sa kanya ng GMA 7 at sa ka-loveteam niyang si Ken Chan.
Inamin ni Rita sa nakaraang presscon ng Kapuso primetime series na One Of The Baes na hindi niya inaasahan na magkakaroon siya ng sariling teleserye na siya na talaga ang bida. Todo ang pasasalamat niya sa kayang breakout role bilang Aubrey sa My Special Tatay kung saan una niyang nakatambal si Ken.
“A year ago, sometime in September, nandito rin ako for My Special Tatay, same place, same time. I was also here but I wasn’t his leading lady, I was just sitting doon sa dulo,” simulang kuwento ng dalaga.
“That’s why it feels so nostalgic to me kasi same time last year nandito rin ako, tapos ngayon isa na ako sa huling lalabas (sa cast members), ako na ‘yung huling ipapakilala,” emosyonal na pahayag pa ni Rita.
“Hindi ako sanay kasi nasanay na akong nakaupo ako sa gilid. That time rin my work that day was to sing the theme song of My Special Tatay,” aniya pa. Dagdag pa niya, “Isang taon, isang ganu’n lang ni God sobrang nag-iba siya talaga totally, hindi namin in-expect.”
Hirit naman ni Ken, “Kanina bago kami pumasok sabi ni Rita sa ‘kin, ‘Tayo na lang ‘yung natitira, ganito pala ‘yung pakiramdam. Hindi ako sanay, Ken.’ Tapos hinawakan niya ‘yung kamay ko, then nag-pray kami doon sa labas kanina.”
Dagdag ng Kapuso actor, malaki rin ang nabago sa buhay niya mula nang makilala niya si Rita, “Turo rin ni Rita sa akin, sa lahat ng ginagawa namin, ang pinakaimportante, ang pinakasentro talaga dapat si Lord.”
Kuwento naman ni Rita, napaka-sweet at sobrang maalaga, daw ng kanyang leading man, “Palagi akong nagpapadaan sa kanya ng food.” Singit ni Ken, “Donut ganyan, tsaka kape.”
Pagpapatuloy ni Rita, “Kahit anong madaanan niyang pagkain, kasi masarap talaga kumain.”
Pagdating naman sa akting bilang magka-loveteam, pag-amin ni Ken, “Kahit walang linya, tumingin lang kami sa isa’t isa, alam ko na kung nagugutom na siya, alam ko kung inaantok siya, kung sinusumpong na siya ng acid reflux niya.
“Kabisado ko na siya, so pagdating sa mga eksena, minsan nagiging Ken at Rita na talaga kami,” aniya pa.
Dugtong pa ng binata, “Masasabi kong ‘yun ang pinakamaipagmamalaki ko kasi mahirap hanapin sa isang katrabaho ‘yun…’yung trust, nahanap ko ‘yun kay Rita.”
***
Samantala, magsisimula na ngayong Lunes (Sept. 30) ang first primetime series nina Ken at Rita na mas kilala bilang RitKen, ang One of the Baes.
Ang pagiging kapitan ng isang barko ay hindi lang para sa kalalakihan, kaya rin itong gawin ng mga kababaihan. Dito iikot ang kuwento ng latest romcom Kapuso series na itinuturing ding isang “millennial fairytale.”
Handang gawin ni Jowalyn (Rita) ang lahat upang matupad ang pangarap niyang maging isang kapitan ng barko. Pati na ang love life ay handa niyang isakripisyo sa pag-abot nito.
Ang hopeless romantic naman na si Grant (Ken) ay naniniwalang makikilala na niyang muli ang kanyang childhood sweetheart sa tulong na rin ng kanyang pagba-vlog.
Ano kaya ang mangyayari kapag nagtagpo ang isang Jowalyn na walang ibang inisip kundi ang katuparan ng kanyang pangarap at ang isang Grant na ang tanging hangad ay makahanap ng tunay na pag-ibig?
Kasama rin sa seryeng ito na tiyak na maghahatid ng kilig at tuwa para sa buong pamilya ang mga batikang aktor na sina Roderick Paulate, Amy Austria, Tonton Gutierrez, Melanie Marquez at Jestoni Alarcon. Ka-join din sina Maureen Larrazabal, Edgar Allan Guzman, Rodjun Cruz at Joyce Ching, with Archie Alemania, Buboy Villar, Kenneth Medrano and James Teng.
Mapapanood din dito ang real-life maritime students ng Maritime Academy of Asia and the Pacific (MAAP).
Ang One of the Baes ay sa direksyon nina King Marc Baco at Michael Christian Cardoz. Iniaalay ng buong production ang OFTB sa lahat ng mga Pinoy seafarers.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.