Kim Molina pang-best actress sa ‘Jowable’, dapat panoorin ng mga moralista
“PANG-BEST actress!” Yan ang nagkakaisang comment ng mga nakapanood na ng “Jowable” na pinagbibidahan ni Kim Molina.
Sigawan, halakhakan at palakpakan ang ibinigay ng audience mula simula hanggang ending ng movie, isang patunay na kering-keri na ni Kim ang magbida sa isang pelikula.
In fairness, napakagaling ni Kim sa “Jowable” bilang si Elsa, isang babaeng certified NBSB (no boyfriend since birth) na naging lasengga dahil nga walang lalaking nagkakagusto sa kanya. Nagtataka siya kung bakit lahat ng kaibigan niya ay may lovelife pero siya, nganga!
Hindi lang niya pinatawa nang bonggang-bongga ang manonood, marami rin siyang pinaiyak sa kanyang “breakdown” moments lalo na ang monologue niya sa loob ng sinehan kung saan “pinadudurog” na niya kay Lord ang kanyang “mani”.
Marami ang na-offend sa eksenang ito na nasa trailer ng movie dahil parang pambabastos daw sa simbahan, pero dapat palang panoorin n’yo muna ito sa sinehan bago husgahan. Hindi siya offensive, sa katunayan hahangaan at mamahalin n’yo pa si Kim sa eksenang yun.
Ito pala yung sinasabi ni Direk Daryll Yap na dapat panoorin muna ang kabuuan ng pelikula para maintindihan kung bakit umabot na si Elsa sa pagpunta sa simbahan para magmakaawa kay Lord na bigyan na siya ng boyfriend. Malalim ang hugot nito at hindi lang basta tungkol sa pagdurog sa “mani”.
Tawang-tawa rin kami sa eksena nina Kim at Candy Pangilinan (gumaganap na madre) kung saan nga tinanong ni Elsa kung virgin pa ba ang madre at kung at nagpi-finger ba ito. Kaloka ang naging sagot ni Candy na talagang ikinahagalpak ng manonood.
At ito pa, first time kaming nakakita ng isang love scene na pinalakpakan ng audience. Yes, super clap ang manonood pagkatapos ng bed scene nina Kim at Jerald Napoles. Ang bongga nito, promise kaya hindi na namin idedetalye para ma-shock din kayo!
Hindi na kami magtataka kung ma-nominate at manalo si Kim ng best actress award para sa “Jowable” dahil sa ipinakita niyang akting na siguradong pag-uusapan ng madlang pipol. Du’n din namin naintindihan ang sinasabi ni Kim na napakahirap ng ganap niya sa movie.
Isa pa sa highlight ng pelikula na talagang nagmarka sa manonood ay ang drama scene nina Kim at Kakai Bautista na gumaganap na nanay niya sa movie. Winner ang iyakan ng dalawa kaya may nagkomento na pwede ring makasungkit ng best supporting actress si Kakai sa “Jowable”.
Imagine, nakayang pagsabay-sabayin ng Kapamilya singer-actress ang magpatawa, magpaseksi at magpaiyak – as in all in one ang kanyang peg.
May nag-comment ngang isang viewer na ipinanganak na raw ang pwedeng pumalit sa trono ng Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas.
Basta, hindi bastos o malaswa ang “Jowable”. Shocking at medyo offensive sa mga conservative at moralista ang trailer pero kailangan n’yong panoorin ang kabuuan ng movie para maintindihan n’yo at magets ang pinaghuhugutan ni Elsa.
“Jowable” is produced by Viva Films at showing na ngayong araw Sept. 25 sa mga sinehan nationwide. Binigyan ito R-13 classification ng MTRCB dahil nga sa ilang maseselang eksena.
Ka-join din sa movie sina Cai Cortez, Chad Kinis, Fabio Ide at marami pang iba.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.