Pinabagsak ng Ifugao boxing pride na si Carl Jammes Martin sa ikapitong round ang beteranong si Benezir Alolod Biyernes ng gabi sa Mandaluyong Elementary School Gym, Mandaluyong City.
Patuloy ang empresibong pagpapakita ng 20-anyos na si Martin na nagpatulog sa huling pitong banyagang nakalaban sa average na three rounds. Ang panalong ito ay bilang paghahanda na rin niya sa kanyang napipintong pagharap sa 28-anyos na si Alolod na dating Philippine at regional title holder.
Angat na angat man ang skill nito sa laban, kinailangan pa din ni Martin ng ilang mga rounds bago tuluyang patulugin si Alolod na nagpakita din ng tibay sa pagsalo sa karamihan sa suntok ng Hingyon, Ifugao-native boxer.
“Yung mga pinaghirapan namin sa training like yung sa stamina ko at lakas, nasubukan talaga kasi matibay yung kalaban,” ani Martin.
Unang bumagsak si Alolod sa ikalimang round nang patamaan ito ni Martin ng left hook sa katawan at kanan sa panga.
Nagpakita ng poise si Martin nang hindi nito minadali ang atake kay ALolod sa round 6, hanggan sa ibuhos ng Ifugao boxer ang lahat sa binitiwang kaliwa sa panga ni Alolod.
Hilata si Alolod sa harap ng kaniyang corner na naghudyat naman kay referee Elmo Coloma na itigil ang laban sa 1:31 ng seventh round.
“Dadagdagan pa din po yung training at stamina dahil expected ko na pabigat nang pabigat ang laban ko,” dagdag pa ni Martin.
Dahil sa panalo ay umangat ang record ni Martin sa 14-0, 13 natapos via knockout habang laglag sa 19-13-5 si Alolod, pito via KO.
“Gusto ko pa din na sa next fight yung mas angat ng konti sa akin, kahit rated po basta makita ko kung hanggang saan ang kaya ko at yung dapat ko pa ma-improve,” ani Martin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.