UMIIYAK na nagreklamo sa Radyo Inquirer ang magkapatid na sina Shaie at Claire hinggil sa pagkakakulong ng isa pa nilang kapatid na babae na si Princess Ann Mendoza sa Saudi Arabia.
Pinagtulungan umano ng tatlong mga Pinay din at kasamahang janitress si Princess. Ikinulong ito sa isang stock room at doon pinagbubugbog ng tatlo. Nanlaban si Princess. At nang may mahawakan itong gunting, nasaksak niya ang kasamahan.
Ayon kay Shaie, inggit ang maaaring motibo ng matinding galit ng mga kasamahan nito base sa kuwento ng ilang kaibigan ni Princess. Ngunit nang dinala na sila sa ospital, tanging ang nasaksak ang pina-medico legal samantalang ang kapatid niyang si Princess na bugbog-sarado ay hindi man lamang ipinasuri at ipina-medico legal.
Bagkus, idiniretso ito sa kulungan. Nasa Malaz Jail ngayon si Princess.
Nai-report namin kaagad kay Administrator Carmelita Dimzon ng OWWA ang kasong ito at kaagad namang naasikaso.
Nagtungo din sila sa Office of Migrant Worker’s Affairs sa DFA at nalaman nilang hindi pala janitress ang trabaho ni Princess ayon sa record. “Worker loading and unloading female” ang job description ni Princess.
Hindi rin Arjoys Entertainment ang ahensiyang nagpaalis sa kanya kundi Al-Ahram International Group Services.
Maraming dapat sagutin ang recruitment agency ni Princess dahil iba-ibang impormasyon ang ibinigay ng mga ito sa ating OFW at mga kapamilya nito.
Hinggil sa problema sa agency, haharapin naman nila si Administrator Hans Leo Cacdac ng POEA at nakikipag-ugnayan na rin kami sa ating Philippine Embassy sa Saudi upang alamin ang kalagayan ng nakakulong nating kabayan na si Princess.
Sa mga kapatid ni Shaie at kanyang kapamilya, huwag po kayong mag-alala at umasa kayong mapapabilis ang saklolong inaasahan para kay Princess.
Isang mensahe mula sa FB ng Bantay OCW ang aming natanggap mula kay Merlita delos Santos ng Muntinlupa City. Tumawag umano ang kapatid nitong si Darna delos Santos mula sa Lebanon at nag-iiyak itong nagsumbong na minamaltrato siya ng kanyang employer.
Bukod dito, hindi rin siya pinasasahod ng amo. Nais magtungo sa Radyo Inquirer studio si Merlita. Kailangan lamang namin ng kumpletong detalye pa hinggil sa eksaktong kinaroroonan ni Darna sa Lebanon at nang makahingi na tayo ng saklolo sa ating Philippine embassy doon.
Nagpadala ng e-mail sa [email protected] si Arnold Mendoza, isang seaman. Bumaba siya ng barko noong Enero 2013 para magbakasyon at dapat ay sasampa ulit noong Marso, matapos ang dalawang buwang bakasyon.
Ngunit nang magtungo na siya sa US Embassy upang magpa-renew ng kanyang US Visa noong Pebrero 19, may ibinigay daw sa kanyang green form na may nakasaad doon na “administrative case.” At dahil doon, hindi na siya nakasampa ng barko dahil nga wala siyang US Visa.
Nag-search sa internet si Arnold at nalaman niyang may kapangalan siya na may kaso sa ibang bansa. Ngunit hindi rin siya sigurado kung iyon nga ba ang dahilan kung bakit hindi siya nabigyan ng visa renewal.
Wala namang natatandaang kaso si Arnold na nagawa niya habang nasa ibang bansa kaya inisip na lamang niyang maaaring iyon ang dahilan dahil nga sa kaso ng kaniyang kapangalan.
Nakapag-email si Arnold sa Bantay OCW matapos siyang payuhan ng kapatid niyang masugid na tagasubaybay ng ating program sa PTV4. Royal Carribean Cruise Line ng Philippine Transmarine Carriers (PTC) ang kanyang manning agency.
Ayon kay Capt. Ronaldo Enrile, Vice President for Operations ng PTC, tanging si Arnold ang maaaring magpatunay sa pamamagitan ng pagsusumite ng apila sa US Embassy na hindi siya ang kapangalang niyang Arnold Mendoza.
Tanging contract of employment ang isinusumite ng PTC sa US Embassy bilang suplementong dokumento para sa kanyang visa renewal.
Paglilinaw pa ni Enrile, ang visa ay iniisyu para sa crew at hindi naman para sa kumpanya. Kaya Arnold, sumulat ka na agad sa US Embassy.
Meron ba kayong kaanak na OFW sa ibang bansa na may problema? I-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.