Bilib kina Butch at Baham | Bandera

Bilib kina Butch at Baham

Dennis Roa - September 17, 2019 - 10:15 PM

HINDI dapat manaig ang mga sigalot na nagiging dahilan ng pagkahihiwalay at
pagkabigo sa panahong kailangan ng pagkakaisa upang matiyak ang tagumpay.
Ito ay garantisado hindi lang sa mga malalaking organisasyon kundi maging sa maliliit na grupo. Siyempre pa, hindi nawawalan ng mga KSP (kulang sa pansin) o ng mga taong wala lang magawa at sanay gumawa ng mga gulong nasa imahinasyon lamang nila. Sabi nga ‘’What’s the commotion?’’
Mabuti na lang at nananatiling nasa tamang direksyon ang Philippine Sports Commission (PSC) sa ilalim ni chairman Butch Ramirez na napakalaki ng tungkuling ginagampanan bilang chef de mission ng bansa sa 30th Southeast Asian Games na aarangkada dito sa Pinas sa Nobyembre 30.
Hindi na bago kay Ramirez ang pagsagupa sa mga hamon at alam niya na hindi maaaring magkamali ang Pilipinas sa hosting ng SEA Games sapagkat nakataya ang karangalan ng bansa.
Nakamasid hindi lang ang buong bansa kundi ang mga kapitbahay natin sa Southeast Asia. Isama na natin dito ang iba pang bansa sa Asya na interesado kung paano mag-host ng malaking sports event ang Pilipinas.
Malinaw ang sinabi ni Ramirez na walang pagod na gumagawa ng paraan upang tiyakin na buhay ang pagkakaisa sa pagitan ng PSC, Philippine SEA Games Organizing Committee (Phisgoc) na nasa ilalim ni Rep. Alan Peter Cayetano at ng Philippine Olympic Committee sa ilalim ni Bambol Tolentino.
Sabi niya, ngayon ay wala nang PSC, wala nang POC at wala nang Phisgoc. Ang meron lang ay Team Philippines para sa SEA Games. Sakto ito sa ‘‘battlecry” ng Pilipinas na ‘‘We Win as One.’’
Sa aking palagay, ganito rin naman ang nais ng Phisgoc sapagkat ayaw siyempreng mapahiya ni Rep. Cayetano ang bansa. Lahat naman tayong mga Pinoy ay nagnanais na hindi mabulilyaso ang hosting ng bansa. Marangal ang lahi natin.
Sa kanilang pagharap sa mga piling mamamahayag, hiniling din nina PSC commissioners Celia Kiram at Charles Maxey na magkaroon ng pagkakaisa ang lahat.
Diniin din nina Kiram at Maxey na napakalaki ng papel na ginagampanan ng media upang ipaalam sa sambayanang Pilipino ang mga ginagawa ng PSC upang tiyakin na patok ang hosting ng bansa. Siyempre pa, full force ang mga tsokaran nating isportsrayter pagdating mismong sagupaan na gagawin sa New Clark City, National Capital Region, Tagaytay at Subic.
Kilala ang mga Pinoy sa pagkakaroon ng sama-samang pagkilos tuwing may mga malalaking kaganapan sa bansa. Ito na ang ika-apat na beses na gagawin sa Pilipinas ang SEA Games. Umani ng paghanga ang Pilipinas na naging host ng paligsahan noong 1981, 1991 at 2005. Hindi ba’t si Ramirez din ang chef de mission ng Pilipinas noong 2005 kung kailan nakuha natin ang overall championship.
Malaki ang badyet na inilaan ng pamahalaang Duterte sa SEA Games. Hindi nagkulang sa suporta ang pamahalaan sa pamamagitan ng PSC na ginagawa naman ang lahat upang hindi masayang ang perang inilaan ng gobyerno.
Tinitiyak rin ni chairman Butch na hindi mapupunta sa wala ang pondo sapagkat ang perang ito ay nagmula sa kaban ng bayan. Sinisiguro ni Ramirez na mapupunta sa tama (may kaukulang mga dokumento) kung maglalabas ng pera ang PSC. Walang panahon si Ramirez sa korapsyon, peeps.
Nararapat lamang na suportahan ng lahat ang pananaw ni Ramirez na iisa lang ang nais: Pagkakaisa tungo sa tagumpay.
PRO SPORTS SUMMIT
Tulad ni Ramirez, hindi rin matatawaran ang dedikasyon ni Games and Amusements Board (GAB) chairman Baham Mitra.
Kung ang PSC ay nakatuon sa amateur sports ay naka-pokus naman ang GAB sa professional sports.
Nais ng dating Gobernador at kinatawan ng Palawan na mapangalagaan ang karapatan ng mga propesyonal na atleta ngunit hindi rin naman niya nakakalimutan ang mga promoter, mga opisyal at lahat ng mga taong may koneksyon sa pro sports.
May katungkulan si Baham sa World Boxing Council ngunit malinaw na hindi lamang boksing at basketball ang nasa agenda ng GAB. Kabilang sa pinapatnubayan ng GAB ang sabong, horse racing, e-sports at marami pang iba. Bagamat hindi kalakihan ang badyet kumpara sa ibang mga ahensya sa ilalim ng Office of the President ay nagawa ni Mitra na maging relevant at active ang GAB sa mga isyung hinaharap ng pro sports.
Kaya welcome news ang pagkakaroon ng First Philippine Pro Sports Summit na gagawin sa Philippine International Convention Center sa Setyembre 24-25.
Sa tulong nina Senator Sonny Angara at Bong Go ay naisakatuparan ang planong ito ni Mitra.
Maraming mga paksa ang pag-uusapan sa sports summit, mga paksang may tuwirang epekto sa pro sports at atleta.
Dyakpat ang PH sports sa Dobol B!

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending