PALAGI ko na lang nadidinig ang reklamo mula sa mga motorista, lalo na sa mga rider ng motorsiklo, na hindi dapat naglalakad sa kalye ang mga tao.
At kung sakaling sila ay mabubunggo sa lansangan, dapat hindi ito isisi sa motorista dahil wala silang karapatan sa kalye.
Nais kong sirain ang pantasyang ito ng mga motorista, mapa-kotse man ang dala mo o mapa-motorsiklo.
Sa batas ng “right of way” na siyang tunay na sinusunod sa pampublikong lansangan (hindi po kasali ang toll roads dahil private ito at enclosed sa pedestrians) ang mga tao o pedestrians ang may pangunahing right of way.
Ibig sabihin po nito, kailangan padaanin o pagbigyan ang taong naglalakad sa lansangan ng mga mas malalaking sasakyan tulad ng motor o kotse o kahit bisikleta.
Ang dahilan, mas mahalaga ang buhay ng tao kaysa sa isang bagay tulad ng motor o kotse, ang mga piyesa nito ay napapalitan o nakukumpuni samantalang ang sa tao ay hindi.
Una nang niliwanag ito ni Ginoong Bong Nebrija Jr. ng MMDA nang ipaliwanag niya na kahit anong sitwasyon pa ang ibigay ng isang motorista, hindi siya mananalo sa tao kapag nabangga niya ito.
“Life over property” ang pilosopiya na pinatutupad ng lahat ng traffic enforcers at walang laban ang mga kaskaserong motorista rito.
At habang nandito na tayo sa usaping ito, nais ko lamang linawin na sa road courtesy and ethics, kapag may tao o pedestrian na umapak sa lansangan, kailangang huminto ang lahat ng sasakyan hanggang makatawid ito o makabalik sa ligtas na bahagi ng lansangan.
Ito ang basehan ng pagbabawal sa lane-splitting o traffic filtering o white-laning. Dahil sa aktuwal na road test, dapat na bumagal hanggang makahinto ang mga sasakyan kapag may nakita silang sasakyan na nakahinto na malapit sa kanto o intersection.
Dahil madalas sa hindi, may tumatawid na sa harap ng sasakyang nakahinto at pinadadaan na ito.
Kung haharurot pa ang sasakyan sa likod, tulad nang laging ginagawa ng mga motorsiklo sa pagitan ng lanes, mas malaki ang posibilidad na tamaan o mabangga niya ang tahimik na tumatawid nang tao o sasakyan sa intersection, na madalas nating nakikita naman talaga.
Para sa komento o suhestiyon, sumulat lamang sa [email protected] o sa [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.