PBB Otso big winner Yamyam nakalipat na sa napanalunang condo
UNANG beses naming nakaharap at nakapanayam ang Pinoy Big Brother Otso big winner na si Yamyam Gucong sa storycon ng Mang Kepweng: Hiwaga ng Bandanang Itim.
Ngayon ay naiintindihan na namin kung bakit siya ang ibinoto ng taumbayan – napakanatural kasi niya, walang yabang sa katawan at nakakatuwa siyang kausap dahil alam mong nanggagaling sa puso.
Natural ang pagiging komedyante ni Yamyam kaya malaking factor rin ito kung bakit click ang tandem nila ng kaibigang Japanese na si Fumiya Sankai na nakasama rin niya sa Bahay ni Kuya. Sabi nga ng mga taga-PBB, binuhay nila ang mga komedyanteng sumikat noong 1950’s na sina Pugo at Togo.
Anyway, gagampanan nina Fumiya at Yamyam ang magkaibigang duwende sa part 2 ng “Mang Kepweng” ni Vhong Navarro na laging magkakontra kaya tiyak na riot ito sa manonood.
Habang ikinukuwento ng “MK” writer ang role ng dalawa ay seryoso silang nakikinig at iniintindi ang kanilang mga eksena. Aminado sina Fumiya at Yamyam na sobrang kabado sila dahil first movie nila ang “Mang Kepweng: Ang Lihim ng Itim na Bandana.”
“Yes sobrang excited po because the information was very quick when they said that we are in this movie,” sabi ni Yamyam.
Say naman ni Fumiya, “Sobrang excited po when I heard the story (mga karakter nila) and this is fantasy, di ba?”
“At ang nakakatuwa kasi ‘yung karakter namin (duwende) is based sa normal naming pag-uusap ni Fumiya. Ha-hahaha! Hindi magkaintindihan!” tumatawang singit ni Yamyam.
Inamin din ng PBB Otso big winner na kilala niya si Mang Kepweng dahil napanood na niya ito noon kaya nu’ng tinanong sila ni Fumiya kung may tanong sila sa gagampanang role ay, “No questions” agad ang sagot ni Fumiya dahil hindi niya naintindihan.
“Kaya po ipapanood ko sa kanya (Fumiya) ‘yung MK at ie-explain ko sa kanya ang kuwento,” say ni Yamyam.
Nabanggit din ni Fumiya na kumportable na siya na natatawa ang tao sa kanila ni Yamyam lalo’t napapanood din sila sa sitcom na Home Sweetie Home.
Hirap pa ring magsalita ng Tagalog si Fumiya at gusto rin naman niyang matuto, hindi nga lang niya alam kung kailan siya makapag-aaral.
“Hindi ko pa alam when, pero gusto kong aral-aral ng Tagalog siyempre para maging fluent,” sabi ni Fumiya.
At buong pagmamalaki namang sabi ni Yamyam, “Yes tinuturuan ko siya, di ba? I’m your mother tongue.” Sabay hirit ni Fumiya ng, “Hindi ko naintindihan!” kaya nagkatawanan ang dalawa.
Pero sa kabilang banda, si Yamyam ang mas natututo ng English at Japanese, “Yeah! Kasi exchange language kami,” paliwanag ng binata.
Ipinagmamalaki naman ni Fumiya na kaya niyang sabihin ang Tagalog word na, “Wait, always in my interview, they ask me to say this, ‘nakakapagbagabag,’” sabay victory sign. Oo nga, hindi siya nabulol sa nasabing salita.
Samantala, sinabi ni Yamyam na pagkatapos niyang manalo sa PBB Otso ay nabago raw ang pagkatao niya.
“Kasi ang daming oportunidad na pumasok sa aking buhay, tapos ‘yung ordinaryong estudyante biglang (nag-isip), everytime aircon,” tumatawang sabi ng komedyante.
Aminado si Yamyam na ni minsan ay hindi niya naisip na mararating niya ang kinalalagyan niya ngayon dahil mahirap lang ang buhay nila sa Bohol.
“Hindi ko po naisip na big winner ako, sobrang nabigla po talaga ako! Hindi ko nga po gustong matulog nu’ng gabi kasi baka mawala ‘yung napanalunan ko, baka magastos,” saad pa niya.
Nitong Agosto 20 ay nai-turn over na kay Yamyam ang condo unit na napanalunan niya sa may E. Rodriguez Avenue, Quezon City.
“Sobrang saya po kasi iba ‘yung probinsya na bahay namin tapos dito sa siyudad na sasakay ka pa ng elevator na may pilot (elevator boy/girl),” esplika ng binatang taga-Bohol.
Papupuntahin daw ni Yamyam ang pamilya niya rito sa Maynila pero depende raw kung magtatagal sila rito dahil tiyak na mami-miss ng mga ito ang buhay-probinsya.
“’Yung business po na napanalunan ko (water refilling station) doon ko po dadalhin para mayroon silang (negosyo) ro’n.”
Bukod sa condo unit at water refilling station ay may P2 million cash ding napanalunan ang binata at itatabi raw muna niya iyon.
Anyway, parang hindi na dadaan sa acting workshop sina Fumiya at Yamyam dahil mas gusto ng nangangasiwa ng career nila na organic o raw ang iaarte nila sa harap ng kamera.
As of press time ay wala pang schedule kung kailan ang first shooting day ng “Mang Kepweng” dahil halos lahat ng cast ay puro abala tulad nina Joross Gamboa, Jaclyn Jose, Barbie Imperial, Bayani Agbayani at Vhong na magkakaroon pa ng bagong iho-host na reality show sa ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.