MINSAN na ba kayong hinawi ng isang nagmamadali nang walang pasabi?
Hindi ba ugali nating mga Pilipino ang magpasintabi kung tatawid o dadaan ka sa harapan nila? Hindi ba’t yumuyuko pa tayo at nagsasabi ng “execuse me” o “makikiraan po”.
Ito ay tinatawag na paggalang sa kapwa mo dahil maaaring makaistorbo ka sa kanilang ginagawa, sa kanilang tinitingnan, o dahil dapat ka lang talaga magbigay-galang sa iyong kapwa kung tatawid ka sa harap nila.
Ito ang isa sa mga pakay ng “signal light” na inilalagay sa sasakyan natin — ang magpasintabi sa ibang mga sasakyan na maapektuhan kung tayo ay aalis sa ating lane at lilipat ng linya o liliko ng kalsada.
Nagpapaalam tayo sa kanila na baka sila ay maistorbo o magulat sa gagawin natin, at nakikiusap na sana ay mapagbigyan tayo sa ating gagawin.
Kailangan kasi nating ipaalam sa mga kapwa natin motorista kung ano ang balak nating gawin habang tayo ay nagmamaneho o habang ang lahat ay tumatakbo sa lansangan. Ang tawag dito sa opisyal na lingwahe ng pagmamaneho ay “expressing your intentions.”
Dahil hindi naman tayo pupuwede mag-usap sa lansangan, inilagay ang signal lights upang maipaalam natin sa kapwa natin motorista na kung tayo ay liliko sa kanan, sa kaliwa o kung tayo ay may aberya at kailangang huminto sa gitna ng daan.
Kapag ang isang driver ay gumagamit ng kanyang signal light kapag liliko o lilipat ng linya, ipinakikita lang niya na iginagalang niya ang ibang driver sa paligid niya at nagpapaalam siya bago siya umalis sa kanyang lane.
Ito ay dahil sasakupin ng driver na liliko ang lugar na dapat ay dadaanan ng driver na kanyang sisingitan. Ang signal light ay nagsasabing “maaari ba akong makidaan dahil liliko lang po ako.”
Hindi lahat ng driver ay agad makikita ang signal light mo, tulad nang hindi lahat ng kausap mo ay maiintindihan agad ang intensiyon ng sinasabi mo. Kailangan lang ay maghintay ang driver na nakakaintindi ng nais mo gawin at pagbibigyan kang lumusot sa harap niya.
At dahil magalang ang gumagamit ng signal lights, malayo pa ang kanyang lilikuan ay inaayos na niya ang posisyon niya upang hindi niya harangan ang ibang mga sasakyan sa kanyang pagputol sa dinadaanan nila or yung tinatawag na “cutting lanes.”
Nararapat lamang sa ibang sasakyan na bigyang galang din ang pagpapakita ng signal light intentions. Kapag ang nasa likuran ninyo na dating mabagal ay biglang bibilis kapag kayo ay nagbukas ng signal light, isa lang ang maaari nating isipin tungkol sa kanya, wala siyang modo, hindi tama ang pinag-aralan at bastos siya sa kapwa niya.
Para sa komento at suhestiyon sumulat po lamang sa [email protected] o kaya ay sa [email protected].
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.