KAHIT saang bansa, kapag ilegal na ang pananatili ng isa, kinakailangan niyang harapin anumang kaparusahan nito tulad ng deportation o puwersahang pagpapabalik sa bansang pinanggalingan.
Ayaw man o gusto nila ito.
Hindi ito panggigipit sa mga dayuhan. May mga batas na ipinatutupad ang bawat bansa na dapat sundin ng mga pumapasok sa kanilang bayan.
Maging sa Pilipinas din naman, nagde-deport din tayo ng mga “O” o overstaying kung tawagin. Pinagbabayad pa sila ng multa kung gaano katagal na nanatili sa bansa at kung minsan may kulong pa nga.
Naging mainit ang usaping ito sa mag-inang pina-deport ng Israel dahil sa pananatili nila nang ilegal doon. Sa ilalim kasi ng batas ng Israel, maaari lamang manatili ng limang taon ang mga migrant workers at kinakailangang umuwi sila sa bansang pinanggalingan kapag pasona ang kanilang working permit.
Sa kabila ng umiiral na batas, nagprotesta ang mga manggagawa sa Tel-Aviv na nagkaroon ng mga anak sa Israel. Katuwiran nila, wala umanong ibang wika at kultura na kinalakihan at kinagisnan ang kanilang mga anak kundi ang bayang sinilangan, yun nga ang Israel. Sinabi pa nilang Israel lamang ang bansa para sa kanila. Yun ay kung may choice lamang sila.
Ngunit hindi nagpatinag ang pamahalaan ng Israel. Matatag ang naging paninindigan nila na may batas umano silang ipinatutupad at dapat lamang sundin iyon.
Kapag may umiiral na batas, tanging batas din ang puwedeng magpabago nito tulad ng pag-aamyenda noon. Paano nga namang babaliin ng mismong mga nagpapatupad ng batas ang kanilang sariling mga batas mismo? Paano gagawing legal ang isang ilegal?
Mahirap ang kahilingang ito. Hindi madaling pagbigyan ang mga protesta o hinihinging konsiderasyon nang ganoon ka simple.
Para sa mga Pilipino na nananatili ng ilegal saan mang bansa sila naroroon, kung talagang nais ninyong manatili sa mga bansang kinaroroonan, gawin ninyo ang lahat ng alam ninyong pamamaraan para maging legal kayo diyan.
Kung wala kayong ginawa at nahuli kayo at mapapauwi kayo, harapin ninyo ang kaparusahang iyon.
Unang una, tanggapin ninyong hindi kayo sumunod sa kanilang mga batas. Palaging may kapalit na kaparusahan ang hindi pagsunod sa batas.
Pangalawa, dapat handa kayo na harapin kung anuman ang ipapataw na parusa sa inyo dahil hindi nga kayo sumunod sa kanilang batas. Kasabay ng pagiging handa, ang pagtatabi ng sapat na salapi pambayad ng multa at pati na pambili ng inyong plane ticket pauwi. Tandaan ninyo, hindi na kayo mga OFW. Dahil may legal na kontrata ang isang OFW.
Sa kabila ng matagal na panahon ninyong patago-tago at nahuli kayo, tanggapin ninyo nang maluwag sa inyong mga dibdib na dapat na nga kayong umuwi.
Magpasalamat na rin dahil nakapanatili pa kayo sa kanilang bansa ng mahaba-habang panahon, nakapaghanapbuhay kahit paano at huwag na sanang antayin pa ang pamalaan para ipakiusap ang isang ilegal na gawain para gawing legal.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.