MUKHANG nagkamali si dating House minority leader at Quezon Rep. Danilo Suarez sa kanyang forecast na mahahawakan pa rin ng Lakas-Christian Muslim Democrats ang minorya.
Hindi nila inaasahan na si San Juan Rep. Ronald Zamora na dati na ring naging minority leader ang kokopo nito.
Naging bentahe ni Zamora ang boto ng pitong militanteng kongresista na dating bahagi ng majority bloc. Noong Linggo, isang araw bago ang botohan, nananatiling nagkakagirian kung sino ang mananalo.
Walang nakasisiguro kung sino ang mananalo kina Zamora at Leyte Rep. Martin Romualdez, ang pangulo ng Lakas-CMD.
Kaya naman hanggang noong Lunes ng umaga ay hindi pa tapos ang lobbying.
Marami pa ring nakiki-usap at nagbabantayan ng mga botante.
Ang nakakapagtaka lang, nakita kaya hindi sinuportahan ni Romualdez ng lahat ng mga taga-Lakas-CMD. May duda tuloy ang ilan na baka tinalikuran na ng mga ito si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo. Si Arroyo ay isa sa mga haligi ng Lakas-CMD.
Kung bumoto ang lahat ng taga-Lakas kay Romualdez, malamang ay nanalo siya kahit na isang boto.
Sabi ni Suarez sa isa sa kanyang mga presscon, dati ang Liberal Party ay kasya sa Volkswagen, yung kotseng kuba. Konti lang naman kasi noon ang miyembro ng LP, ang sikat noong panahon ni Arroyo ang mga taga-Lakas at Kampi na kalaunan ay kumalas din sa kanila at itinayo ang National Unity Party.
Ngayon mukhang ang Lakas naman ang iniiwasang partido dahil ayaw maiugnay kay Arroyo na “nega” ang imahe. Sila naman ngayon ang kasya sa Volkswagen.
Bilog talaga ang mundo.
Nang kumalas ang mga militanteng kongresista sa House majority bloc, alam ng Lakas na tagilid na makuha nila muli ang liderato ng minorya.
Alam nila na problema ito, dahil maliit ang tyansa na sumama ang mga ito sa kanila.
Ang ikinonsidera daw ng mga militanteng kongresista sa pagpunta kay Zamora ay ang koneksyon ni Romualdez sa mga Marcos at kay Arroyo.
Ang tanong ay kung papaano hahalo ngayon ang grupo ni Romualdez sa kampo ni Zamora.
Iba kasi kung kasangga mo ang House minority leader dahil siya ang nagdedesisyon kung sino ang itatalaga nilang miyembro ng mga mahahalagang komite sa Kamara.
Para sa komento, reaksyon o tanong i-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.