SONA ni PNoy: Dagdag singil sa SSS, MRT, LRT
SA kanyang ika-apat na State of the Nation Address, inisa-isa ni Panqulong Aquino ang dagdag na pasanin na kakaharapin ng bansa.
Sa kanyang talumpati na tumagal ng isang oras at 42 minuto, sinabi ni Aquino na kailangan itaas ng 0.6 porsyento ang buwanang kontribusyon ng mga miyembro ng Social Security System para hindi maubos ang pondo nito.
“Kung magdadagdag lamang tayo ng 0.6 percent sa contribution rate, P141 billion agad ang maibabawas sa unfunded liability ng SSS. Kung ngayon na tayo magsisimulang mamuhunan sa kinabukasan, wala nang problemang ipapamana pa sa mga susunod sa atin,” ani Aquino.
Bukod sa kontribusyon sa SSS, sinuportahan din ni Aquino ang pagtaas sa singil sa MRT at LRT na aniya’y dapat ipantay sa singil sa pasahe sa mga bus.
Ilang beses na rin nabinbin ang planong pagtaas sa singil sa MRT at LRT dahil sa matinding protesta mula sa publiko.
“Siguro naman po, makatuwirang ilapit man lang natin sa ibinabayad sa aircon bus ang pasahe ng LRT at MRT, upang maituon ang subsidiya sa iba pang serbisyong panlipunan,” aniya.
Bagamat nabanggit ni Aquino ang mga bilyon pisong tinubo ng mga water concessionaires na Manila Water at Maynilad, hindi nito tinutulan ang nakaambang pagtataas ng singil sa tubig.
Sa isyu naman ng brownout sa Mindanao, inamin ni Aquino na walang solusyon dito na makukuha sa isang tulugan (o tulog) lamang.
Muli nitong isinisi ang problema sa nagdaang administrasyon. Anya minana lang niya ito.
“Mula’t sapul pa lang, naglalatag na tayo ng solusyon para dito, ngunit batid nating ang problemang isang dekadang binalewala ay hindi masosolusyonan sa isang tulog lang,” aniya.
‘Makakapal ang mukha’
Bukod sa mga dagdag pasanin na nakaamba, sumentro rin ang SONA ni Aquino sa mga miyembro ng kanyang administras-yon na tinawag niyang “makakapal ang mukha”.
Hindi nagpaawat si Aquino sa pagbanat sa Bureau of Customs (BOC) na pinamumunuan ni Commissioner Ruffy Biazon na kung saan sinabi niya na tinatayang P200 bilyon ang nawawala sa kaban ng bayan dahil sa katiwalian.
“Para namang nakikipagtagisan sa kapalpakan itong Bureau of Customs. Imbes na maningil ng tamang buwis at pigilan ang kontrabando, parang walang pakundangan ang pagpapalusot nila ng kalakal, pati na ng ilegal na droga, armas, at iba pa sa ating teritoryo…saan po kaya kumukuha ng kapal ng mukha ang mga kawani sa ahensyang ito?” ani Aquino.
Bukod sa BOC, kasama sa mga binanatan ni Aquino ang mga sumusunod:
Bureau of Immigration, matapos makalabas ng bansa ang wanted na magkapatid na Joel at Mario Reyes, ang mga pangunahing suspek sa pagpaslang kay Gerry Ortega at ang pagtakas ng Koreano na si Park Sungjun na wanted sa Korea sa kabila ng paghingi ng naturang bansa na mahuli siya.
Ang National Irrigation Administration (NIA) sa harap naman ng kabiguan ng liderato ng dating administrator nito na si Angelito Nangel na maabot ang target nito sa irigasyon.
Ang mga tiwaling CESO na kung saan nanawagan siya sa Kongreso na suriin ang Civil Service Code at Presidential Degree 1.
Binanatan din ni Aquino ang mga dating opisyal ng nakaraang administrasyon na sina:
dating Technical Education and Skills Development Administration (TESDA) director general Augusto Sijuco dahil sa katakut-takot na tongpats sa ahensya.
Dating opisyal ng Pagcor na naglustay ng P26.7 milyon pesos para lamang gumawa ng isang pelikula; nagsunog ng 186 million pesos para sa isang partylist; at nagawa pang gamitin na pampapogi sa kampanya ang rice donations na nakalaan sana para sa mga biktima ng kalamidad.
Hinaharap na rin ng mga dating pinuno ng PNP ang paratang ukol sa 131.6 million pesos na nawaldas para sa 75 depektibong rubber boat, at 104.99 million pesos para sa maanumalyang pagbili ng mga segunda-manong helicopter mula 2009 hanggang 2010.
Pinuri, kinilala
Hindi rin pinalagpas ni Aquino na papurihan ang ilang opisyal ng gobyerno at indibidwal.
Special mention sina PO3 Edlyn Arbo, PO3 Felipe Moncatar at PO2 Dondon Sultan dahil sa pagpapakita nang kanilang mga galing at mabuting ehemplo sa kapulisan.
Nangako naman si Aquino na mananagot ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) na sangkot sa pagpatay sa dalawang lider ng Ozamis gang.
Pinapurihan din ni Aquino ang ilang opisyal ng pamahalaan kabilang na sina Commodore Ramon Alcaraz, Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario, ang yumaong dating kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) na si Jesse Robredo, Education Secretary Armin Luistro, at ang magreretirong pinuno ng Presidential Security Group (PSG) na si Brigadier General Ramon Mateo Dizon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.