Castro, Parks, Perez nangunguna sa Best Player of the Conference race
ISANG veteran guard at dalawang rookies ang nangunguna sa Best Player of the Conference race ng 2019 PBA Commissioner’s Cup.
Nasa unahan ang dalawang mahusay na rookie combo guard na sina Bobby Ray Parks Jr. ng Blackwater Elite at CJ Perez ng Columbian Dyip na nasa No. 1 at 2 spots sa hawak na 37.2 at 36.1 statistical points average subalit malabo na silang makapagdagdag ng puntos dahil ang Blackwater ay hindi nakausad sa semifinals habang ang Columbian ay hindi nakapasok sa playoffs.
At siguradong aabutan sila ng nasa No. 3 spot na si TNT KaTropa guard Jayson Castro (33.7) na ang koponan ay nakabalik sa PBA Commissioner’s Cup Finals kahit na bahagyang bumaba ang kanyang numero.
Ang isa pang rookie na si NorthPort Batang Pier guard Robert Bolick (32.46) ng ay nakapanggulat din matapos na makapasok sa Top 5 ng Best Player of the Conference race kung saan nakalapag ang dating San Beda Red Lions playmaker sa ikalimang puwesto sa pagtatapos ng semis.
Maliban kina Parks, Perez, Castro at Bolick ang isa pang nakapasok sa Top 5 matapos ang semis ay si San Miguel Beermen center June Mar Fajardo (32.9).
Ang No. 6 hanggang No. 10 spots ay binubuo naman nina NorthPort forward Sean Anthony (32.45), Alaska Aces guard Chris Banchero (31.1), NorthPort forward-center Moala Tautuaa (30.9), TNT guard RR Pogoy (30.8) at Phoenix Fuel Masters swingman Matthew Wright (29.4)
Ang Best Import award ay paglalabanan naman nina Terrence Jones ng TNT at Chris McCullough ng San Miguel Beer.
Nasa top spot na si Jones sa nalikom na 58.2 statistical points matapos ang semis habang nalaglag si Barangay Ginebra Gin Kings import Justin Brownlee (57.5) sa ikalawang puwesto. Hindi naman nalalayo si McCullough (55.7) na nasa nasa ikatlong puwesto.
Ito rin ang unang pagkakataon sa mga nakalipas na taon na may dalawang first-round NBA draftees sa katauhan nina Jones at McCullough ang magpapamalas ng kanilang husay sa PBA Finals.
Ang Best Player of the Conference at Best Import ay ihahayag sa Game Four ngayong Agosto 11 sa Smart Araneta Coliseum.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.