‘Mataba’ ni Cool Cat Ash pangontra sa body shaming
Ibang-iba ang atake ng kapatid ni Marion Aunor na si Ashley o mas kilala sa music industry na si Cool Cat Ash na kamakailan ay pumirma na nga ng kontrata under DNA Music (sister company ng Star Music).
Siyempre, may pagmamanahan talaga si Cool Cat Ash dahil nga magagaling ding singer ang kanyang sister na si Marion at inang si Lala Aunor.
Nakachikahan namin si Ash na isa ring sound engineer during the contract signing at dito nga niya nasabi na mas gusto niyang makilala bilang pop-rock artist na may pagka-novelty.
“My inspiration is retro, and I am challenged sa pagpu-produce ng ganitong klaseng genre. Malaki ang influence sa akin nina Freddie Mercury (Queen) at Aerosmith,” lahad ng singer na mina-manage ng ating kaibigan at columnist dito sa BANDERA na si Ambet Nabus.
Dagdag pa niya, “Kaya no comparison sa aming magkapatid. Malaking pagkakaiba ng music preferences namin, although she gives me tips in songwriting. More of the hugot-type of songs ang linya raw kasi ni Ate.”
In fairness, ang lakas ng recall ng first single niya na “Mataba” na tungkol sa pagkontra sa body shaming. Yes, proud plus size si Ash kaya naisipan niyang gumawa ng kanta para sa mga tulad niyang “chubby”.
“Sina Lizzo at Meghan Trainor ang naging inspirasyon ko sa pagbuo ng kantang ito. I really admire their advocacy on body positivity and body shaming. Sana marami akong ma-inspire na tulad na maging confident at matanggap kung ano sila,” chika pa ni Ash.
Dream niyang maka-collaborate ang legendary OPM icon na Sampaguita.
Sa lahat ng mga gustong ma-inspire, pwede n’yo nang i-download ang “Mataba” ni Cool Cat Cash sa Spotify at iba pang digital platforms. Out na rin ang kanyang music video sa YouTtube.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.