Mindanao runners wagi sa Metro Manila leg ng 2019 Milo Marathon
NANAIG ang dalawang elite marathoners mula Mindanao sa Metro Manila leg ng 2019 Milo Marathon na nag-umpisa at nagtapos sa SM Mall of Asia grounds sa Pasay City nitong Linggo ng umaga.
Sinungkit ng Malaybalay, Bukidnon native na si Christine Hallasgo ang kanyang ikalawang sunod na gintong medalya sa women’s division matapos itala ang tatlong oras, anim na minuto at 28 segundo upang talunin sina April Rose Diaz (3:15:05) at Maricar Camacho (3:26:03).
Sa men’s side, nanguna si Anthony Nerza ng Digos City, Davao del Sur sa 42.195-km run nang tapusin ang karera sa loob ng dalawang oras, 32 minuto at 50 segundo. Dinaig niya sina Richeel Languido (2:36:43) at 2016 national champion Jeson Agravante (2:38:48).
“Masaya po kasi hindi ko inexpect na mananalo ako,” sabi ng 26-anyos na si Hallasgo matapos tanggapin ang back-to-back championship trophy sa pinakaengrande at pinakamatandang foot race sa bansa.
Kabuuang 28,559 runners ang lumahok sa 3K, 5K, 10K, 21K at 42K categories sa ika-43 na edisyon nito.
“Naisip ko na marami pang mangyayari pero pinush ko ‘yung sarili ko at pinagsikapan ko na maging champion ulit ako,” dagdag ni Hallasgo.
Para naman kay Nerza, tagumpay rin ito ng kanyang mga magulang.
“Masaya ‘yung magulang mo kapag nakikita ka nilang tumatakbo at nananalo,” sabi ni Nerza na ngayon ay enlisted Airman Second Class para sa Philippine Air Force.
“May pambili na tayo ng bigas at ulam,” biro pa ni Nerza. “Nagpursigi ako kahit hindi ako malakas masyado, basta takbo lang.”
Muling tatakbo sina Hallasgo at Nerza sa National Finals sa January 19, 2020 sa lalawigan ng Tarlac.
Dahil sa panalo, maaari nilang irepresenta ang Pilipinas sa darating na 30th Southeast Asian Games na gagawin sa bansa sa Nobyenbre 30 hanggang December 11.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.