‘Massive corruption’ sa STL, Lotto at Keno dapat idetalye | Bandera

‘Massive corruption’ sa STL, Lotto at Keno dapat idetalye

Jake Maderazo - July 29, 2019 - 12:15 AM

NAGULANTANG ang bansa ng biglang kanselahin ni Pres. Duterte sa isang televised speech noong Biyernes ng gabi ang lahat ng prangkisa ng PCSO, kaugnay ng Lotto, Small Town Lottery (STL) at Keno.
Kamakailan lang, ibinandera ng PCSO ang kinita nitong P64-bilyon noong 2018. Ang Lotto ay nagbigay ng P31.9-bilyon, ang STL ay P26.1-bilyon at Keno-P4.4bilyon, Instant sweepstakes-P1.1-bilyon samantalang ang Sweepstakes ay P4.8 milyon lamang.
Sa kabuuan, 30 percent ng kinikita ng PCSO ay napupunta sa Charity fund o P18.6-bilyon, at bawasin ang premyo at operating expenses, ang net income nito’y P1.8-bilyon lamang.
Ang ipinagmamalaki palagi ng PCSO ay ang malaking koleksyon nito sa STL na malayong malayo noong panahon ni PNoy.
Noong 2015, ang kita ng PCSO sa STL ay P4.79-bilyon lamang na naging P6.30-bilyon noong 2016.
Ngayon, ito’y pumapalo na sa P26.1 bilyon o halos P20 bilyong mas malaki. Hindi nakakapagtaka na marami talaga ang yumaman sa STL.
Pero, nag-iba ang hangin ngayon, mukhang mayroon pa ring “massive corruption” sa STL at sa PCSO.
Tandaan natin ang alegasyon ng negosyanteng si Atong Ang at PCSO director/whistleblower Sandra Cam na dito sa STL, ang dapat na gross sales na dinedeklara sa PCSO ay hindi P20-milyon lamang kundi P200- milyon bawat araw o kabuuang P70-bilyon sa isang taon.
Ibig sabihin, merong higit P44-bilyon taun-taon na kumakalat sa mga STL operators, PCSO offiicials, judges, pulis at iba pang na nagbibigay proteksyon sa nangyayaring “under-declaration”.
Ayon sa Pangulo, isa itong “conspiracy” na maraming kasangkot na personalidad na ibibulgar niya sa mga susunod na araw.
Maging ang operasyon ng Lotto ay kinukwestyon din. Noong 2015, ito’y nagtala lamang ng P28.9-bilyon, tapos bumaba ito ng P28.7-bilyon noong 2016.
Ngayong 2018, ito’y pumalo sa P31.9-bilyon, bagay na marami ang nagtataka kung bakit ganoon kakonti ang itinaas ng benta nito gayong P20 na ang bawat tiket at napakaraming tumatangkilik. Sabi ng PCSO, bumaba ito dahil sa TRAIN Law pati ang umano’y mahihinang “jackpot” na ayaw tayaan ng bayan. Ilang kritiko ang nagsasabi na dapat ding siyasatin kung tama ba ang dinedeklarang benta ng Lotto at Keno sa PCSO.
Sa ngayon, ang operator nito ay ang Pacific Online Systems na may kasunduan sa PCSO na magtatapos sa July 31, 2019 at dito kasama ang Lotto at larong Keno na ipinatigil ng Pangulo.
Magmula noong Sabado, sarado ang 8,769 outlets ng Lotto at 2,351 ng Keno.
Hinto rin ang operasyon ng lahat ng STL sa buong bansa na merong 314,596 na trabaho.
Ayon sa latest numbers, umaabot ng 274,649 ang mga kubrador sa STL, 26,227 ang mga sales supervisors o kabo, at 13,720 ang mga “organic employees”.
Talagang napakaraming mga tao ang tinamaan ng desisyon ng Pangulo. Pero, hindi rin pwedeng pabayaan ang bilyun-bilyong pisong buwis na dapat sana ay mapupunta sa gobyerno at dederetso sa “universal health care” o libreng pagpapagamot ng bayan.
Kailangan ding alagaan ang integridad ng “legal na pasugal” ng gobyerno. Kailangang walang dayaan sa bolahan sa lotto, walang dayaan sa bolahan sa keno. Walang dayaan sa bolahan sa STL, at ang pinakamahalaga, TAMA ang idinedeklara nilang mga benta at babayarang buwis sa gobyerno.
Marami pong tumataya ng last money sa Lotto, Keno at STL, ngayon lang siguro magkakalinawan kung paano ninanakaw ang kaban ng gobyerno at dinadaya ang naturang mga laro.

Pls. email your comments suggestions to [email protected] or magtext sa 09989568253.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending