MATINDI ang tampo ng isang talunang pulitiko sa kanyang mga kaibigan at ilang kaanak hindi lamang dahil sa pagkatalo sa nakalipas na halalan kundi dahil sa nawalang pondo sa nakaraang eleksyon.
Tuluyan na niyang pinutol ang kanyang komunikasyon sa mga ito at nagpasya siyang manatili muna sa US.
Ilang linggo makalipas ang eleksyon ay kaagad na pumunta sa ibang bansa ang dating opisyal at mula noon ay hindi na siya nakipag-usap pa sa kanyang mga kaibigan at ilang kaanak.
Sinabi ng ating cricket na wala na talagang balak pang bumalik sa pulitika ang ating bida pero dahil sa sulsol ng ilan sa mga kaibigan ay nagpasya siyang kumandidato sa nagdaang halalan.
Ang mga kaibigan na iyon ay mga dating nakinabang noong mayor pa si Sir sa isang malaki at mayamang lungsod.
Sila rin ang dahilan kung bakit nasampahan ng ilang mga kaso ang nasabing pulitiko, ayon pa sa aking cricket.
Isa sa mga sinasabing ipinagtatampo ng talunang mayoralty candidate ay ang mga balita na ibinulsa ng ilan sa mga nakapaligid sa kanya ang pondo na dapat ay ginastos noong nakaraang halalan.
Nagdesisyon naman ang kanyang mga kapamilya na hayaan na lang muna si Sir na makapag-isip at makapag muni-muni sa kanyang sinapit sa nakaraang halalan.
Isa pa sa pinoproblema ng bida sa ating kwento ngayong araw ay ang sangkatutak na kasong nakasampa laban sa kanya dahil sa ilang mga kontrata na kanyang pinasok noong siya pa ang mayor sa kanilang lungsod.
Ang talunang pulitiko na dumistansya sa kanyang mga kaibigan makalipas matalo sa nagdaang halalan ay si Mr. B…as in Bahay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.