ANG almusal o agahan ang pinakamahalagang pagkain sa buong araw. Ito ang nagbibigay sa atin ng lakas at enerhiya upang matugunan ang mga hamon at pagsubok na haharapin natin sa buong araw.
Dahil sa kakulangan ng oras at panahon dala ng modernong pamumuhay, madalas ay nakaliligtaan na natin ang mag-almusal.
Madalas ay kung ano na lang ang madampot sa hapag-kainan ang nilalantakan ng mga batang kailangang pumasok sa ekswela at mga magulang na naghahabol upang hindi mahuli sa trabaho.
Pero mas nakaaalarma kung umaalis sila ng bahay na kape lamang ang laman ng tiyan! Kung ipapagtuloy ang ganitong kagawian, magdudulot ito ng hindi mabuti sa ating kalusugan.
Ano ba ang tamang almusal?
Likas na sa ating mga Pilipino na kumain ng kanin sa umaga. Mabuti ang kanin ngunit hindi dapat labis ang pagkain nito. Mainam ito sa almusal dahil nasusunog natin ang calories nito sa buong araw.
Siguraduhin na balanse ang almusal. Tampok dapat ang carbohydrates na nakukuha sa kanin at tinapay; protina na mula sa isda at karne, tulad ng tinapa at langgonisa; bitamina, mineral at fiber mula sa prutas at gulay.
Huwag ding lalampas ng isang tasa ang pag-inom ng kape, at kung maaari ay mag-tsaa na lang upang hindi nerbyusin. Para sa mga bata, gatas o juice ang pinakamainam.
Huwag ulit-ulitin ang hinahandang almusal upang hindi magsawa ang pamilya. Kung maaari ay magplano ng menu na para sa dalawang linggo upang matugunan ang tamang panlasa at nutrisyon na kakailanganin.
Subukan din ang mga tradisyonal na almusal na kinagisnan ng ating mga lolo at lola. Mahaba ang kanilang buhay dahil tama sa nutrisyon ang kanilang kinakain.
Bihira silang kumain ng pagkain na galing sa lata at bote na karaniwan ay sinangkapan ng mga kemikal at preserbatibo.
Kumain tayo na parang mga magsasaka, kung saan pawang mga sariwang sangkap at tradisyonal na pagluluto lamang ang ginagamit at ginagawa.
Sa paraang ito, hindi lamang tayo makatitipid, magkakaroon din tayo ng kakaibang lakas ng katawan at makatutulong pa tayo sa ating kalikasan.
Almusal ng magsasaka
NILULUTO ng mga magsasaka ang kanilang almusal sa kanilang tahanan. Alas-tres pa lang ng umaga ay bitbit na nila ang kanilang baon sa bukid.
Karaniwan nilang kinakain ito sa sandaling sumikat na ang araw at nagsimula nang maging mainit at maalinsangan ang panahon.
Ang bida sa kanilang baon ay ang sinangag na bahaw sa konting mantika at bawang na bahagyang inasnan; piniritong binating itlog na may bawang, sibuyas, kamatis na malaki ang pagkakahiwa na sinahugan ng burong mustasa; ensaladang na may sangkap na tinadtad na sibuyas, kamatis at bawang na hinaluan ang pinasingawang talbos ng kamote o sariwang pako; tinapang isda, pritong longganisa, tapang usa o baka; at huwag kalimutan ang atsarang papaya na makakatulong na pampaalis ng sawa.
Ito ay dahan-dahang ibinabalot sa sinalab na dahon ng saging. Mahigpit ang pagkakabalot nito. Ang dahilan kung bakit sinasalab sa apoy ang dahon ng saging ay upang maging malambot at makintab ito. Pinapatay din ng init ng apoy ang mga bakterya kaya makakasiguro ka na ang pagkain ay hindi mapapanis.
Sinangag, tinapa, ensalada at itlog na may burong mustasa
SINANGAG
Ang perpektong sinangag ay gawa mula sa malamig na bahaw. Ito ang sinaing ng nakaraang gabi. Maaaring iimbak ang bahaw sa loob ng ref at kinabukasan na lamang ito lutuin. Isa sa mga paborito kong halimuyak ay ang amoy ng pinipritong bawang sabay ng nilulutong sinangag sa umaga. Huwag kalimutang isama ang tutong para sa dagdag na gaspang at kunat.
Mga sangkap
2-3 tasa ng bahaw kanin, isama ang tutong
6 na ngipin ng bawang, binalatan at tinadtad ng pino
1 ½ kutsara ng mantika
¼ kutsaritang asin
Paraan ng pagluluto
1. Ilagay ang malamig na bahaw sa isang malaking mangkok. Bahagyang wisikan ng tubig at lamas-lamasin ito upang maghiwa-hiwalay ang mga butil.
2. Haluin nang mabuti at lagyan ng isa at kalahating kutsarang mantika at sa muling haluin nang mabuti.
3. Ihalo ang tinadtad na bawang, asin at paminta na ayon sa panlasa. Muli itong haluin gamit ang inyong malinis na kamay upang makasigurado na ang lahat ng sangkap ay pantay pantay ang distribusyon.
4. Pahiran ng mantika ang kawali at painitin sa katamtaman na antas ng apoy. Kapag medyo mainit na ang kawali ay isalin ang sinangkapang bahaw at lutuin ito sa loob ng 5-10 minuto, o kung nagbibigay na ng halimuyak ang bawang. Gumamit ng siyanse at palagi itong haluin upang di dumikit ang nilulutong sinangag sa ilalim ng kawali.
PRITONG TINAPA
Ang tinapa ay pinausukang isda na mabibili sa mga pamilihang-bayan o supermarket. Kakaiba ang amoy ng tinapa kapag ito ay naluto na. Sa katamtamang init, maglagay ng isa hanggang dalawang kutsara ng mantika at prituhin ang tinapa sa 2-3 minuto sa bawat tagiliran.
ENSALADA
Maghiwa ng tatlo hanggang apat na katamtamang sukat na mga kamatis, alisin ang buto at tadtarin nang pino. Ganoon din ang gawin sa isang maliit na sibuyas at tatlong ngipin ng bawang. Maaari rin magdagdag ng sariwang wansoy na hiniwa rin nang maliliit o kaya ay sariwang talbos ng kamote na pinasingawan, pako o kahit na anong dahon na gulay na nais ihalo. Ihalo ang lahat ng sangkap sa isang mangkok at timplahan ito ng asin o patis at konting paminta.
PRITONG ITLOG NA MAY BURONG MUSTASA
Maaaring makabili ng burong mustasa mula sa nga pamilihang-bayan at palengke. Mainam sa ating kalusugan ang kumain ng burong mustasa dahil nagtataglay ito ng mga enzyme at “friendly bacteria” na makatutulong sa ating digestion o pampatunaw ng kinain. Likas ito sa mga fermented o burong prutas at gulay. May pambihira rin itong lasa na hindi natatagpuan sa ibang pagkain.
Mga sangkap
4 na dahon ng burong mustasa, hiniwa sa isang pulgadang haba
1 kutsaritang mantika
2 kamatis, hiniwa nang pahaba at tanggalin ang buto
1 maliit na sibuyas, hiniwa nang pahaba
3 ngipin ng bawang, pinitpit at tinadtad nang pino
3 itlog ng manok, binati
Asin at paminta, ayon sa panlasa
Paraan ng pagluto
1. Hiwain sa isang pulgadang haba ang burong mustasa at pigain ito nang bahagya upang maalis ang labis na likido.
2. Maglagay ng mantika sa kawali at painitin ito sa katamtamang apoy.
3. Sabay-sabay na igisa ang kamatis, sibuyas at bawang sa loob ng 1-2 minuto. Ihalo ang burong mustasa at patuloy na haluin. Lutuin ito ng isa pang minuto.
4. Idagdag ang binating itlog at halu-haluin hanggang ito ay mabuo.
5. Timplahan ng asin at paminta, ayon sa panlasa.
Ang hugis nito ay hindi kailangang perpektong bilog. Mahahalintulad ang lutuing ito sa scrambled eggs. Hindi bale kung hindi buo at basag-basag at hindi magkakadikit o buo ang itlog.
(Editor: May tanong, reaksyon o komento ka ba sa artikulong ito? May nais ba kayong ipasulat o ipatalakay sa Bandera? I-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 0917-8052374)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.