Kathryn tunay na kapamilya na ang turing sa solid KathNiel fans
Napakalaking karagdagan para sa popularidad ni Kathryn Bernardo ang pagkakaroon niya ng mga tagasuportang tutok na tutok sa kanyang career at personal na buhay.
Sa mga pagkakataong nangangailangan kami ng mga impormasyon tungkol sa pinagkakaabalahan ng sikat na young actress ay palaging nandiyan ang mga taong nagmamalasakit para sa kanya.
Gusto naming pasalamatan si Ogie Narvaez Rodriguez na parang Boy Scout sa pagte-text at pagtawag sa amin tungkol sa mga aktibidad ni Kathryn.
Consultant ng KathNails si Ogie, pero para rin itong PRO ng young actress, dahil ito ang naglalaan ng panahon para malaman ng mga manunulat kung ano ang ginagawa ni Kathryn.
Matinding pagsubok ang dumaan sa buhay ng pamilya ni Ogie Narvaez Rodriguez dahil sa pagkakasakit ng kanyang pamangking si Calix, hindi birong problema ang kanilang pinagdaanan, pero palagi pa ring nakatimbre sa amin ang mga nagaganap kay Kathryn.
Isa pang grupong talagang nagmamahal at nagmamalasakit kay Kathryn at pati na rin kay Daniel Padilla ay ang KDKN Solidarity Community, Inc., kilala namin si Tita Chie at ang kanyang mga kasamahan, nakikita namin kung paano nila pagmalasakitan ang loveteam na nangunguna sa kanilang pagmamahal.
Bibihira ang ganu’ng grupo na abala sa kani-kanilang trabaho, puro propesyonal ang mga miyembro ng KDKN Solidarity Community, Inc., pero palagi silang may nakalaang panahon para sa KathNiel.
At mahal na mahal ng pamilya Bernardo ang grupo ni Tita Chie, ganu’n din si Ogie Narvaez Rodriguez, mga kapamilya na ang turing ng mga magulang at kapatid ni Kathryn Bernardo sa kanila.
Napakasuwerte nila sa isa’t isa. Respetuhan at pagmamahal talaga ang susi sa tagumpay ng anumang samahan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.