San Beda tinambakan ang JRU; Letran, EAC nag-uwi ng panalo
RUMAGASA agad ang defending champion San Beda Red Lions kontra Jose Rizal University Heavy Bombers para itala ang dominanteng 74-52 pagwawagi sa kanilang NCAA Season 95 men’s basketball game Biyernes sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.
Nagtala ang starting playmaker na si Evan Nelle ng game-high 14 assist, 11 dito sa first half, para pangunahan ang atake ng San Beda na umangat sa 2-0 record.
Kumana si James Canlas ng 17 puntos habang si Calvin Oftana ay umiskor ng 17 puntos at humablot ng 10 rebound para pangunahan ang Red Lions, na hindi naghabol sa laro at nagawang makalamang ng 21 puntos.
Nalaglag naman ang Heavy Bombers sa 0-2.
Sa ikalawang seniors game, tumirada si Jerrick Balanza ng 31 puntos habang kumamada si Jeo Ambohot ng double-double na 15 puntos at 11 rebound para pamunuan ang Letran Knights na binigyan ang bagong head coach nito na si Bonnie Tan ng unang panalo sa pagtala ng 81-72 pagwawagi kontra Arellano University Chiefs.
Ang panalo ay pambawi naman ng Knights (1-1) mula sa season-opening 84-80 pagkatalo sa kamay ng Lyceum of the Philippines University Pirates noong Linggo.
Sa ikatlong seniors game, tumirada si Jethro Mendoza ng game-winning layup sa huling 1.5 segundo ng laro para masilat ng Emilio Aguinaldo College Generals ang LPU Pirates, 84-82.
Bunga ng panalo, umangat ang EAC sa 1-1 kartada katabla ang LPU.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.