Ika-40 knockout win puntirya ni Pacquiao laban kay Thurman
SA Hulyo 21 (Philippine time) pa ang laban ng mga welterweight champion na sina Manny Pacquiao at Keith Thurman pero ngayon pa lang ang nagpapakawala na sila ng “jab at hook” sa kanilang patutsada sa media.
Sinabi ng wala pang talong si Thurman na gigibain niya at pupuwersahin niyang magreretiro si Pacquiao sa kanilang World Boxing Association unification title fight sa MGM Grand, Las Vegas, Nevada.
“This is a once in a lifetime opportunity to destroy a legend and create my own legacy,” sabi ng 30-anyos na si Thurman (29-0).
“This is the biggest fight of my career,” aniya.
Siyempre, hindi natitinag si Pacquiao.
Sa edad na 40 ay patuloy na minamangha ni Pacquiao ang buong mundo sa kanyang bilis at lakas sa ibabaw ng boxing ring.
Noong huli siyang lumaban nitong Enero 20 ay nagpasiklab si Pacquiao sa pagtala ng unanimous decision win kontra Adrien Broner.
Sa darating na Hulyo 21 ay puntirya ni Pacquiao hindi lamang ang makuha ang kanyang ika-62 panalo kundi ang maitala rin ang ika-40 knockout win.
Huling nagwagi ng knockout si Pacquiao noong isang taon sa Kuala Lumpur nang manaig siya kay Lucas Matthysse ng Argentina sa ikapitong round.
Kampante ang kampo ni Pacquiao na mapapatahimik nito ang kampo ni Thurman sa Hulyo 21.
At pagkatapos nito ay habulin ng Team Pacquiao ang mas malaking target — ang pinakaaabangang rematch laban kay Floyd Mayweather Jr.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.