PH Sambo fighters maghahatid ng medalya sa SEA Games
KUMPIYANSA ang mga opisyales ng Pilipinas Sambo Federation, Inc. na magiging matagumpay ang kampanya ng mga atleta nito sa pagsabak sa unang pagkakataon sa 30th Southeast Asian Games.
“May pitong events po ang Sambo sa SEA Games, and we’re hopefully to win five gold medals,” sabi ni coach Ace Larida sa ginanap na 28th edisyon ng ‘Usapang Sports’ ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) Huwebes ng umaga sa National Press Club sa Intramuros, Maynila.
“First time po na makakasama ang sambo sa SEAG calendar at dahil host tayo, although may pressure, mas determinado an gating mga atleta na manalo. Actually po, yung Indonesia ang mahigpit nating karibal,” sabi pa ni Larida sa lingguhang sports forum na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC), Community Basketball Association (CBA), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), NPC at HG Guyabano Tea Leaf Drinks.
Sinabi naman ni coach Paolo Vitug na ang nakamit na tagumpay ng Team Philippines na nakapag-uwi ng dalawang ginto, dalawang pilak at isang tansong medalya sa katatapos na 2nd Southeast Asia Sambo Championship sa Bandung, Indonesia ay isang indikasyon ng kahandaan ng mga atletang Pinoy sa combat sports.
“Malaki po ang tsansa natin. Although, sambo is practically new sa ating mga kababayan, matagal na po ang sport sa atin. We have fighters in Davao and other parts of Mindanao and Luzon. The sport is the amateur side of mixed martial arts,” dagdag pa ni Vitug.
Sina Chino Tancontian at Patrick Paul Manicad ang nakapag-uwi ng ginto sa 82 kilograms men’s sports sambo at 82 kgs men’s combat sa Bandung tournament.
“Kami naman po patuloy lang sa ensayo. Ngayon po na kinikilala na ng POC at PSC ang aming sport, tiyak po na mas marami pang atleta ang magpupursige para maging miyembro ng National Team,” sabi ni Manicad.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.