HINDI ko alam kung inasahan ito ng mga karamihan sa mga miyembro ng Executive Board ng Philippine Olympic Committee (POC) na bumabatikos kay POC president Ricky Vargas pero kahapon sa kanilang board meeting ay pormal na nagbitiw sa puwesto si Vargas at iniwan ang liderato ng POC kay First Vice President Joey Romasanta.
Ipinatawag ni Vargas ang naturang board meeting kahapon upang humarap at sagutin ng deretsahan ang mga hinaing at hugot ng ilang miyembro ng POC Board.
Ito ang katotohanan: Karapatan at naayon sa alituntunin ng POC ang nais ng walo sa 13 kasapi ng POC Board na humiling ng executive meeting upang malinawanagan ang ilang mga isyu, kabilang na ang pagbuo at responsibilidad ng Phisgoc Foundation, Inc. na siyang babandera sa preparasyon ng 30th Southeast Asian Games na gaganapin dito sa bansa ngayong taon.
“We found out that the POC president entered into transactions without the knowledge of the POC board. As members of the board, we called for an executive session with the POC president to clarify his position on these issues. He should explain to us what is happening,” sabi ni archery association president Clint Aranas na isa sa mga humiling ng pulong na ito.
Teka muna, alam niyo ba na mismong ang International Olympic Committee (IOC) na ang nag-utos sa kasalukuyang liderato na pulungin ang POC Board upang linawin ang mga isyu?
Ang malagim na katotohanan?
Tila hindi aprub sa POC Board ang Phisgoc Foundation, Inc. bagkus ang naunang inaprubahan ng Board ay ang orihinal na Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee. Period.
Anyare, Ricky?
Alam ng lahat na ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) ay pinamumunan ni dating Foreign Affairs Secretary at ngayo’y Taguig Congressman-elect Alan Peter Cayetano bilang chairman samantalang co-vice chairman naman si Vargas.
Ang tanong: Bakit biglang sumulpot ang Phisgoc Foundation na ang mga incorporator ay sina Ramon “Tats” Suzara (na may hinaharap na kasong qualified theft sa korte), Donald Caringal, Tom Carrasco, Ed Picson, Dexter Estacio at Monica Ann Mitra? Chair pa rin si Cong. Cayetano ngunit hindi siya incorparator ng Foundation.
Talagang kailangan ng paliwanag.
Malinaw pa sa sikat ng araw sa Peks Man na may nangyaring ‘‘power play’’ sa POC. Ang nakalulungkot nga lang ay naipit sa bakbakan si Vargas.
Nais ni Vargas na sana ay magkaisa ang mga lider ng Philippine sports upang matiyak ang matagumpay na pagtatanghal ng SEA Games sa Disyembre.
Sa totoo lang, marami ang nagbunyi matapos magwagi si Vargas laban kay Cojuangco bilang pangulo ng POC. Ngunit marami rin ang pumupuna sa estilo ng liderato ni Vargas na tila mabagal magpatupad ng mga reporma sa asosasyon tungo sa ikabubuti ng Philippine sports.
Sa tingin ko naman ay malinis ang hangarin ni Vargas na ayusin ang Philippine sports. Noong manalo nga siya kay Peping, hindi ba sinubukan niyang magkaroon ng pagkakaisa sa POC at binigyan pa nga niya ng puwesto sa Board sina Cojuangco at Romasanta?
Mali man o tama ang desisyon na iyon ay mensahe iyon ni Vargas na dapat sana ay matigil na ang bangayan at kaguluhan sa POC.
Well, tila hindi naging epektibo ito at nakuha muli ng grupo ni Cojuangco ang “control” sa POC.
Sabi nga sa resignation letter ni Vargas: “This is to inform the executive board of the Philippine Olympic Committee that I am tendering my irrevocable resignation from the post of president of the organization effective immediately. After much introspection, I have determined that there would be other sports leaders who have the time and inclination needed to lead the POC more effectively.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.