Co-owner ng WellMed nasa kustodiya na ng NBI – DOJ chief
NASA kustodiya na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isa sa may-ari ng WellMed Dialysis Center, ang kumpanya na umano’y sangkot sa “ghost” kidney treatment mula sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
“I have been informed that Mr. Brian Sy has been held and will be brought for inquest proceedings immediately,” sabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra.
Nauna nang ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang pag-aresto sa mga may-ari ng WellMed.
Idinagdag ni Guevarra na nahaharap si Sy sa kasong fraud at paglabag sa Anti-Graft Law.
Sinabi naman ni Philippine National Police (PNP) chief Police Gen. Oscar Albayalde na iniimbestigahan na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang WellMed kaugnay ng pagkakasangkot sa ghost dialysis.
“‘Yung WellMed, that is being investigated already by the CIDG,” sabi ni Albayalde.
Idinagdag ni Albayalde na nakahanda rin ang CIDG na imbestigahan ang PhilHealth sakaling atasan ito.
“Kung talagang paiimbestigahan sa atin ang PhilHealth, then why not? We have to coordinate with PhilHealth also kasi hindi naman tayo pwede basta-bastang pumasok sa kanilang agency nang basta-basta nang walang cooperation or collaboration with them,” ayon pa kay Albayalde.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.