Robin, Phillip dinalaw sa ICU si Eddie Garcia: Matibay po ang kanyang puso, hindi siya inatake
PERSONAL na binisita ng magkaibigang Robin Padilla at Phillip Salvador ang veteran actor-director na si Eddie Garcia sa NeuroSciences and Cardiovascular Intensive Care Unit ng Makati Medical Center kahapon.
Kritikal pa rin ang lagay ng aktor matapos mag-collapse sa taping ng upcoming primetime series ng GMA na Rosang Agimat.
Nag-post sa kanyang Facebook account ng dalawang video si Robin para magbigay ng update sa health condition ng 90-year-old actor. Una ay ang viral video clip kung saan makikita umano si Manoy Eddie na napatid sa isang cable wire habang kinukunan ang isang maaksyong eksena sa Rosang Agimat.
Sa isa namang video ay mapapanood ang paliwanag ni Phillip Salvador sa aksidenteng nangyari. Ayon sa aktor, hindi raw nagpa-double si Manoy sa ginawa niyang action scene sa Rosang Agimat.
“Hindi po siya inatake. Mahusay po at matibay ang puso ni Eddie Garcia. Nadisgrasya po siya, naaksidente po siya. Sumabit po ang paa niya sa kable.
“Siya po ay 90 years old. So, hindi po siya nakabalanse, so bumagsak po siya at hindi maganda ang kanyang pagbagsak. Hindi po siya inatake gaya ng inyong narinig,” ang pahayag ni Ipe.
“Bilib po kami kay Eddie Garcia dahil ayaw ho niyang magpa-double, nobenta-anyos na po siya.
“Hinihiling po namin sa inyo ngayon, dasal para sa ating isa pang hari ng pelikulang Pilipino na si Eddie Garcia,” pagpapatuloy pa niya.
Nag-post din si Robin sa Instagram ng ilang litrato kung saan makikita na kinakausap nila ang mga kapamilya ni Manoy sa loob ng ICU kasama rin si Senator-elect Bong Go.
Ito naman ang mensahe ni Binoe para sa beteranong aktor, “Siguro ang maitututulong natin sa oras na ‘to, mga dasal. Huwag na muna po tayong gumawa ng mga haka-haka. Yun lang naman po ang pakiusap namin…
“Yung mga ganito pong pagkakataon kasi mas maganda yung totoong balita ang lumabas. Yun lang po,” aniya pa.
Sabi naman ni Phillip, “Sa lahat po ng fans ni Eddie Garcia, kailangang-kailangan niya po kayo ngayon. Tayong lahat, ipagdasal po natin siya na maka-recover po.
“Kasi po, dasal ang pinakamalakas na panlaban sa kahit anumang sakit,” pahayag pa ng aktor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.